Igalang ang mayorya, sundin ang batas

 

 

MATAGAL nang umiiral ang demokrasya sa Pilipinas.
 
Pero, kahit na may demokrasya, hindi ito absoluto, ayon sa itinakda ng Saligang-Batas ng Republika ng Pilipinas.
 
Ibig sabihin, kung walang batayan ay hindi maaaring paratangan, o akusahan kahit na ang inaakala nating pinakamasamang Pilipino.
 
Kapag sinabing demokrasya, malayang magpahayag ang sinuman ng kanilang posisyon laban man, o panig sa pamahalaan, kabilang na ang desisyon at polisiya ng Pangulo.
 
Ngunit, kahit tahasang tumututol ang sinumang samahan at indibidwal ay dapat tiyaking nakabatay ito sa batas at mga alintuntuning ligal ng bansa.
 
Ito’y dahil ang demokrasyang kinikilala at pinaiiral nating mga Pilipino ay demokrasyang nakahulma sa sibilisadong lipunan at hindi sa demokrasyang kontrolado ng isang pangkat ng mga pinuno ng isang partido-pulitikal tulad sa People’s Republic of China at People’s Republic of Korea (North Korea).
    
Sa demokrasyang umiiral sa Pilipinas, sinusunod ang mayorya (malaking mayorya o simpleng mayorya).
 
Kinikilala, ngunit hindi sinusunod ang posisyon at panawagan ng minorya, lalo na kung ang grupo ay napakaliit ang kasapian.
 
At sa demokrasyang ito, sinusunod natin ang batas, polisiya, at mga alintuntunin.
 
Lahat ay dapat na sumunod.
 
Walang  mayorya at lalong walang minorya kung pagsunod sa batas ang pag-uusapan.
 
Inililinaw at idinidiin namin ang puntong ito upang makatulong sa kontrobersiyal na isyu hinggil sa pagpapalibing ng mga labi ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).
 
Hindi dapat mahati ang bansa at hindi dapat mag-away away ang mga Pilipino sa panahong ang kasalukuyang administrasyon na pinamumunuan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay agresibong kumikilos para repormahin ang dekadenteng burukrasya.
 
Hindi maipagkakailang may mga organisasyon at indibidwal na hanggang ngayon ay napakatindi pa rin ang galit kay Marcos kahit noong 1986 pa natapos ang panunungkulan niya at 1989 pa siya namatay.
 
Hindi maipagkakailang may mga kasalanang nagawa si Marcos sa bansa at mamamayan, tulad din ng mga naunang Pangulo at sumunod sa kanya.
 
Wala namang nagsasabing walang mali at walang nagawang krimen si Marcos.
   
May mga namatay sa panahon ni Marcos.
 
May mga minasaker sa panahon ni Marcos.
 
Ganoon din sa panahon ni Corazon Aquino—may mga namatay at mayroong mga minasaker.
 
Naalala ba ninyo ang 13 magsasakang pinagbabaril sa Mendiola noong Enero 22,1987 na nanawagan sa administrasyong Aquino na ipatupad ang tunay na repormang agraryo upang  sila ay magkaroon ng sariling lupa na kanilang sasakahin para mabuhay ng disente?
 
Hindi siningil ng tuluy-tuloy ng mga makakaliwa at progresibong samahan si Aquino sa krimeng naganap kahit alam naa alam nilang karumal-dumal ang naganap na masaker.
 
Ito ba’y dahil hindi ipinilit ng pamilya Aquino na ilibing siya sa LNMB?
 
Paano kung hilingin ng pamilya Aquino?
 
Ano ang gagawin ng mga makakaliwang puwersa?
 
Wala tulad ng nangyari kay Elpido Quirino?
 
Si Quirino ay inilibing nitong Pebrero sa LNMB pagkaraan ng 60-taon mula nang siya ay mamatay.
 
Mayroon bang tumutol?
 
Mayroon bang nagprotesta?
 
Wala kahit isa, kahit maraming nagawang kasalanan at krimen si Quirino sa bansa at mamamayang Pilipino noong siya pa ang Pangulo ng bansa.
 
Hindi ba’t kaya nilampaso nang todo-todo ni Ramon Magsaysay si Quirino sa eleksyong 1953 ay dahil bangkarote ang administrasyong Quirino?
 
Ibig sabihin, malaki ang galit ng mamamayan kay Quirino, sapagkat hindi niya naituwid ang kaliwa’t kanang pagkakamali at kapalpakan ni Pangulong Manuel A. Roxas.
 
Sa halip na magkaroon ng pagbabago sa Pilipinas tulad ng ipinangako niya mula nang palitan ni Quirino si Roxas sa Malakanyang at noong eleksyong 1949 ay lalong lumala at lumawak ang sinakop ng mga suliranin ng bansa.
 
Kung baga sa basurang inilagay sa sampung banyera, umaapaw at umaalingasaw sa tindi ng baho ang mga ito.
 
Ngunit, pagkatapos ng 60-taon ay pinayagan din na maihimlay si Elpidio Quirino sa Libigan ng mga Bayani nitong Pebrero ng kasalukuyang taon.
 
Binigyan pa siya ng 21-gun salute ng Armed Forces of the Philippines (AFP), dahil naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Quirino at hindi dahil siya ay bayani.
 
Hindi bayani dahil kailanman ay walang batas na ipinasa ang Kongreso ng Pilipinas na nagdedeklarang bayani si Elpidio Quirino.
 
Hindi nga rin siya kinikilalang bayani ng mamamayang Pilipino.
 
Ang pinaka-dahilan lamang kung bakit inihimlay ang mga labi ni Quirino sa LMNB ay dahil naging pangulo siya.
 
Ngayon, si Ferdinand E. Marcos ay naging pangulo at sundalo, mga batayan upang ang kanyang mga labi ay ihimlay sa Libingan ng mga Bayani.
    
Karapatan ni Marcos ito.
 
Ang totoo pa nga ay mayroong sarbey  ang Stradpol na nagsasabing 71.6% na mga Pilipino ay pabor na ilibing na si Marcos sa LNMB.
 
Umabot lamang sa 28.4% ang tutol, banggit ng Stradpol.
 
Desisyon ‘yan ng mayorya ng 104 milyong Pilipino.
 
Ilang daan, o sabihin na nating ilang libong katao ang tumututol sa pagpapalibing kay Marcos sa LNMB
 
Ang kakaunting ito ba ang dapat masunod at magpasya sa isang lipunang namamayani at kinikilala ang demokrasya, o ang halos 77 porsiyento?
 
Si Marcos ay may mga kasalanan tulad ni Quirino.
 
Ngunit, si Marcos ay maraming nagawang maganda matapos niyang isailalim ang bansa sa batas-militar noong 1972.
 
Umunlad at umangat ang ekonomiya ng bansa.
 
Nabawasan ang talamak na krimen.
 
Nagiba ang mga naghari-hariang pulitiko at sindikato sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
 
Ang bagay na iyan ay hindi nagawa ni Quirino, ngunit walang tumutol kahit isa nang ilipat ang kanyang mga labi sa LNMB.
 
Oo, lumala at lumakas ang kilusang mapagpalaya sa panahon ni Marcos dahil sa rami ng suliranin ng lipunan.
 
Ganoon din naman noong panahon ni Quirino.
 
Ngunit, hindi  ito naging rason at balakid sa paglilipat kay Quirino sa LNMB.
 
Ito’y dahil kahit pinakamabait at pinakamahusay na Pilipino ang maging Pangulo ng bansa ay pihadong gustong palitan ng mga makakaliwang puwersa at ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pamahalaan, sapagkat ang gusto nila ay sila ang kumontrol sa burukrasya at maghari sa lipunang Pilipino, katulad ng ginawa ng mga komunista sa China at mga komunista sa North Korea.
  
Kaya, dapat masunod ang pinakamalaking mayorya ng mga Pilipino sa kagustuhan nitong ipahimlay na si Feridnand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani—hindi ang kagustuhan ng mga makakaliwang grupo at lalong hindi ng mga ‘dilawang’ pangkat nina Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd at Manuel Roxas2 nd.
 
Sa ganyan, uusad ang Pilipinas.

You May Also Like