Ibunyag ng US ang mga Kumita sa $5-M Patong sa Ulo ni Marwan

 

 

SAF44
Ilan sa mga SAF na napatay sa mamasapano ang pinagnakawan pa ng gamit.

Ng: Tapat News Team (TMT)

 
MAKATWIRAN lamang na ibunyag ng pamahalaan ng Estados Unidos kung kani-kanino napunta ang $5 Milyon na patong sa ulo ng teroristang si Zulkifli Abdhir, higit na kilala sa alyas na Marwan, makaraang mapatay ito ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25,2015.
 
Ang isyung ito ay mahalaga upang makumpirma kung totoo, o mali ang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang tunay na usapin kung bakit isinubo ng administrasyong Aquino ang malaking bilang ng mga kasapi ng Philippine National Police (PNP) upang mapatay ang Malaysian na si Marwan ay ang makukuhang $5 Milyon mula sa pamahalaan ng Estados Unidos.
 
Umabot sa 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ang namatay sa operasyong “Oplan Exodus.”
 
Sa kanyang talumpati sa 1st Infantry (Tabak) Division ng Philippine Army (PA) sa  Zamboanga del Sur nitong Miyerkules, idiniin ni Duterte na ang Oplan Exodus laban kay Marwan ay tungkol lahat sa $5 Milyon na pabuya sa makapagtuturo sa eksaktong kinaroroonan ni Marwan noong Enero 25,2105.
 
“Katong sa Mamasapano, it was a question of greed…, somebody directing them para makuha nila reward na $5 million,” birada ni Duterte.
 
Ang totoo, hindi na bago ang ibinulgar ng Pangulo.
 
Ilang minuto matapos mabalita na 44 komando ng SAF ang namatay sa operasyon, kumalat ang balita hanggang Maynila na ang tunay na pakaay  nina Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd at suspendidong hepe ng PNP na si Director General Alan Madrid Purisima ay makuha ang $5 Milyon pabuya ng Estados Unidos para kay Marwan.
 
Ang ginawa lamang ngayon ni Duterte ay kinumpirma niya ang naunang balita.
 
Nakialam na ang Estados Unidos, sapagkat napalaki ng atraso ni Marwan sa nasabing bansa.
 
Maraming ipinapatay si Marwan sa mga bansang kaalyado ng Estados Unidos, kaya gustong gusto nitong madakip, o mapatay ang naturang terorista upang tuluyan nang matigil ang teroristang gawain nito.
      
Ayon kay dating hepe ng SAF na si Director Getulio Napeñas, wala siyang alam sa $5 Milyon, sapagkat hindi naman sinabi sa kanya nina Aquino at Purisima ang tungkol sa pabuya.
 
Ngunit, hanggang ngayon ay hindi isinusuko ni Napeñas ang nalalaman niya na si Aquino ang nag-utos sa kanya na pangunahan ang Oplan Exodus laban kay Marwan.
 
Hindi rin inaatras ni Napeñas na si Purisima ang direktang lider niya sa operasyon.
 
Sinunod ng heneral si Purisima kahit pa alam niyang suspendido si Purisima, sapagkat bilang opisyal ng PNP ay wala siyang karapatan, o kapangyarihang labagin, o kontrahin si Purisima—lalo na ang Pangulo ng Pilipnas noon na si Aquino.
 
Katunayan, sa pagsisiyasat ng PNP at ng Senado, lumitaw na tahasang binastos ni Aquino ang “chain of command” ng PNP.
 
Mali rin daw na nanghimasok pa si Purisima, sapagkat siya ay suspendido sa mga panahong iyon.
 
Si Purisima ay isinuspinde ng Office of the Ombudsman dahil sa kasong korapsyong nakabinbin sa nasabing tanggapan.
   
Galit si Duterte nang idiniin niyang ang operasyon laban kay Marwan ay perang limang milyong US dollar ang puno’t dulo kung bakit nauwi sa pagkamatay ng 44 na mahuhusay na pulis.
 
Anang Pangulo, hindi magaganap sa kanyang termino ang naganap sa bayan ng Mamasapano.
 
Kamakailan, inatasan ni Duterte ang Armed Forces of the Philippines (AFP) tapusin na ang Abu Sayyaf Group (ASG) nang walang binabanggit na pabuya sa mga mamamatay na pinuno at kasapi ng nasabing grupo.
 
Ang nakaabang sa AFP ay promosyon.

You May Also Like