Huwag Magpokus sa ‘Balat ng Sugat’ ng Lipunang Pilipino

 

SABI ng dating pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Dionisio Santiago kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na 3 milyong Pilipino ang lulong sa iligal na droga noong 2013.

Kung 3 milyon ang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot tatlong taon na ang nakalilipas, posibleng apat na milyon na ito ngayong 2016, pagtaya ni Duterte.

Kung hindi aaksyon ang pamahalaan laban sa mga sindikato ng droga, protektor nila mula sa tatlong sangay ng pamahalaan, at mga tulak/taga-benta ng bawal na gamot, tiyak tataas ang antas at lalawig ang pagiging talamak ng iligal na droga sa Pilipinas, siyang punto ni Duterte.

Syempre, may sitwasyon sa Pilipinas na pinagtutungtungan ang problema sa iligal na droga, kaya nananatili ito sa bansa.

At ang sitwasyong ito ang siyang ginagamit ng mgaa drug lord upang palawakin ang kanilang negosyo.

Kung tapat na babanggain ang mga drug lord, tiyak madugo ang gyera laban sa kanila, sapagkat handa ang mga drug lord na pumatay nang kahit sino na sagabal sa kanilang napakasamang negosyo.

Kaya, hindi dapat pagtakhan ang madugong laban ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Kung magpapabaya ang kasalukuyang administrasyon tulad ng ginawa ng administrasyon nina Corazon Aquino hanggang sa anak nitong si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, tiyak patuloy na sasahol ang iligal na droga sa Pilipinas hanggang matapos ang termino ni Duterte.

Tingnan n’yo, may mga nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP) na pawang mga kabilang sa mga nangungunang drug lord sa bansa.

Kung hindi malala ang negosyo ng iligal na droga sa Pilipinas, ano ang tamang tawag sa mga nakakulong na kriminal ay pawang mga drug lord kung hindi masahol?

Hindi namin maintindihan ngayong maraming namamatay na drug lord, nagagalit nang labis ang napakaraming tao kabilang na ang mga sikat na personahe.

Pero, noong walang ginagawa ang pamahalaan, kabilang na ang Philippine National Police (PNP), ay walang puknat na binabatikos at pinag-iisipang kumikita ang mga opisyal ng pamahalaan mula sa mga drug lord.

Idinidiin namin ito, sapagkat talaga namang nakalilito ang ibang kapwa natin.

Ngunit, inililinaw namin na ang pagdidiin namin sa nakalilitong puna at kritisismo ng ilang tao laban sa  administrasyong Duterte hinggil sa kampanya nito laban sa iligal na droga ay hindi nangangahulugang pabor na pabor kami na “absolutong wasto” ang pagpatay sa tao.

Hindi po mga ka-Tapatnews. Hindi rin kami absolutong pabor, sapagkat naniniwala kami na walang absolutong kawastuhan ang anumang aksyon, o desisyon, hinggil sa mga suliranin sa lipunan.

Naniniwala kami na ang kawastuhan ng desisyon at aksyon sa mga kahit anong suliranin ay nakabatay sa kongkretong kalagayang kinatatayuan ng mga suliranin.

Halimbawa, kung patuloy na lumala ang suliranin sa iligal na droga sa kabila nang walang humpay na abiso, paalala, at kampanya ng pamahalaan—at  pagkakaroon ng mga matatapang na batas, nangangahulugang mali na ang lahat ng ito.

Hindi na wasto ang mga ito.

Kailangang na ng ibang taktika, ibang ideya, at ibang aksyon.

Ang tinutukoy naming iba ay iyong hindi ginagawa ng mga nakaraang administrasyon, kabilang na iyong kay Fidel V. Ramos na walang ginawa laban sa iligal na droga.

Ang kakaibang ito ay ang pagiging “mapagpasyang desisyon at aksyon” at ang “pagkakaroon ng tinawatag natin sa wikang English na political will” ng pinuno ng bansa laban sa mga suliranin ng Pilipinas tulad ng iligal na droga.

Mungkahi namin, pag-aralan natin nang husto ang lipunang Pilipino at ang maligalig na kasaysayan nito upang hindi nakapokus ang pananaw natin sa balat ng sugat ng lipunan.

Tandaan at itanim sa ating isipan na matinding kanser ang sakit ng Pilipinas na patuloy nating hinahanapan ng solusyon upang pagdating ng panahon maayos, maginhawa, payapa, at progresibong mabubuhay ang mga Pilipino.

 

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like