Huwag kang magnakaw!

Editorial

Sa papalapit na halalan kung hindi man ay tuluyang ibabasura ng mga botante ang mga kandidato na nasangkot o di kaya ay nasasangkot sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Di kaila na ang mga katagang “Huwag kang magnakaw” ay utos ng Diyos na siya na rin namang paulit ulit na ipinapaalala ng mga Obispo maging ni Pope Francis. Kadikit pa nito ang mapagpatawad na ugali ng karamihang Pilipino.

Sa mga nakaraang survey mapapansin ang pagtaas ng rating ng pangalawang pangulo na si Jejomar Binay. Hindi na ito nakapagtataka kahit kaliwat-kanan pa ang patuloy na pagdidiin sa dating alkalde ng Makati sa mga kaso ng pandarambong.

Pagnanakaw, ang salitang sa tutuo lamang ay hindi na bago sa atin. Wala ni isa man sa atin ang madaling mapaniniwala na may mga lider tayo sa pamahalaan na hindi nagnanakaw. Ito rin ang ginamit ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III sa kanyang administrasyon upang mapaniwala ang mga mamamayan, ang ‘Daang Matuwid.’

Marami ang naniwala at nahikayat na maaasam na ang pagbabago ngunit marami rin ang nabigo. Madalas ang pangulo mismo ang siyang nagbibigay ng panghuhusga sa kapwa ngunit maaring nagsawa na ang taong bayan gayong pagkatapos ng anim na taon sa panunungkulan, ang mga inaasam sa pagbabago kung di man nakamit ay napalala pa.

Sa patuloy na pagdidiin kay Binay, hindi na nito basta na lamang napapaniwala ang taong bayan. Lalo’t kita sa Makati ang mga nagawa ng bise-presidente noong ito ay nanunungkulan pa bilang alkalde. Mga serbisyong publiko na matagal na naipapatupad sa Makati na hindi naipatupad ni Pangulong Aquino maging sa Tarlac at lalo na sa buong bansa.

Maging si Pope Francis man ang magsabi sa pangulo o kung sino pa man na pinuno ng bayan na ikaw ay nagnakaw sa kaban ng bayan, ang taong bayan ay hindi basta maniniwala kung nakikita nilang malinis ang panunungkulan. Ngunit kung ang mga pulitiko at ang pangulo o ng kanyang kandidato na si Mar Roxas ang paulit-ulit na magsasabi nang “huwag kang magnakaw” – hindi man magdalawang isip ay tuluyang hindi maniniwala ang taong bayan.

Marami na ang pagkakataon at pagtitiwala ang naibigay ng taong bayan. Mananatili lamang ito kung maraming nagkaroon ng trabaho, bumaba ang mga bilihin, naiibsan ang trapik, nabawasan ang buwis, naisaayos ang mga serbisyo publiko gaya ng MRT, nagkaroon ng mga bagong gusaling paaralan, libreng serbisyo medikal at tulong na nararapat sa mga magsasaka.

Kaya sa bawat bitaw ng panghuhusga sa ating pangalawang pangulo, ang tanong ay mananatili. Ang huwag kang magnakaw ay nangangahulugan bang ang nagsabi ay hindi magnanakaw?

You May Also Like