Huwad na Programa

Bahay ng lumaya sa kahirapan? (Mon Estabaya)
Bahay ng lumaya sa kahirapan? (Mon Estabaya)

TUMATAGINTING na P62.3 Bilyon ang naging badyet ng administrasyong Aquino sa Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pero may natira pang higit P6 bilyon.

Ayon sa iniwanang datos ni dating Social Welfare and Development Secretary Corazon “Dinky” Soliman, 4.4 milyong pamilya ang nakinabang sa 4Ps.

Ibawas na natin ang P6.3 bilyon para P56 bilyon ang nagamit para sa 4Ps kung saan 4.4 milyong mga mahihirap na Pilipino ang nakinabang ng nasabing programang magsasalba sana sa ubod ng hirap na buhay ng napakaraming Pilipino.

Napakalaking halaga ng P56 bilyon, pero 4.4 milyon lamang ang nakinabang?

Kung binigyan ng tig-P1 milyon bawat isa sa 4.4 milyong pamilyang mahihirap ay siguradong milyonaryo na silang lahat.

Ibig sabihin, nadagdagan ang kakarampot na bilang ng mga milyonaryo sa Pilipinas.

Pero, hindi ganyan ang naganap.

Hinati-hati ang P56 bilyon sa buwanang pamamahagi ng pera sa mga mahihirap upang sila raw ay makalaya sa pagiging mahihirap.

Sa inilarga ng 4Ps sa loob ng anim na taon, ang tugon ni Soliman ay napakarami nang ‘nakalaya’ sa kahirapan.

Ibig sabihin, hindi na raw sila mahihirap, dahil tatlong beses na silang nakakain sa bawat araw.

Ipagpalagay nating totoo ang iniyabang ni Soliman na nakakakain na ng tatlong beses sa isang araw ang bawat isang pamilya sa kabuuang 4.4 milyong pamilya, nangangahulugan bang hindi sila mahirap?

Marami namang mga Pilipino na nakakakain ng tatlong beses araw-araw, ngunit kailanman ay hindi nila ipinagyabang na sila ay milyonaryo.

Kahit nga nakaaangat sa buhay ay hindi nila nagawang ipagyabang sa publiko na silang mga nakakakain ng tatlong beses kada araw ay nakakaangat sa buhay, iyon pa kayang kabilang sa 4.4 milyong benipesaryo ng 4Ps ng administrasyong Aquino.

Ang kakayanan ng isang pamilya na makakain ng tatlong beses kada araw ay hindi kailanman batayan, o naging batayan kahit anim na taon lamang.

Kaya, ang hirap paniwalaang hindi na mahihirap ang 4.4 milyong pamilya nang nakatatanggap na sila ng pera mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil nakakakain na sila ng tatlong beses bawat araw.

Napakaraming tao ang nakakakain ng tatlong beses kada araw.

Ang iba pa nga ay apat hanggang lima, ngunit hindi nila nararamdamang nakawala na sila sa pagiging mahirap.

Ang sakit sa ulo. Parang nakababaliw tuloy na isiping hindi mahirap ang mga taong biglang nakakain ng tatlong beses araw-araw.

 

 

Kung babalikan natin ang istadistika mismo ng pamahalaan, makikita sa napakahabang panahon na maraming tao na nakakakain ng tatlong beses bawat, ngunit ang buhay nila ay walang dudang nakasadlak pa rin sa kahirapan.

Sapagkat, ang buhay ng tao ay hindi lang naman nakabatay sa tatlong beses makakain bawat araw.

Maraming batayan o ikinokonsidera upang ideklarang nakawala na sa kahirapan ang tao.

Ang masama pa sa ipinagmamalaki noon ng DSWD ay tahasang kaduda-duda ang datos nito dahil kung mag-iikot tayo sa buong Metro Manila ay napakarami nating makikitang nakahiga sa gilid ng lansagan—mga taong natutulog at nabubuhay sa gilid ng lansangan.

Ngunit, sila ay hindi kasali sa 4.4 milyong mahihirap na mga pamilyang Pilipino, upang sa gayon ay makatanggap sila ng pera taun-taon mula sa DSWD sa loob ng anim na taon.

Ang totoo, wala kahit isa sa kanila ang nakatanggaap ng pera mula sa DSWD sa loob ng nakalipas na anim na taon.

Walang taga-DSWD, o sugo mismo ni dating Pangulong Benigno Aquino 3rd ang umikot  at  nangalap ng mga pangalan ng mga napakahihirap na mga pamilyang naninirahan at nabubuhay sa lansangan.

You May Also Like