Hustisyang hawak sa leeg

vol 1 no 12

Hindi na mapagkakaila na sa darating na Hulyo 9 muli na namang magbabanggaan ang mga pabor at tutol sa tinaguriang RH law na ngayon ay kilala bilang Republic Act (R.A.) 10354. Marami ang sadyang nangangamba mula sa magkabilang panig sa maaaring maging desisyon ng Katataas-taasang Hukuman.

Lingid sa kaalaman ng karamihan, hindi na bago ang pagmamaniubra ng Palasyo sa kahit anong naisin ng ating pangulo na si Benigno Aquino III. Isa na rito ang naging kontrobersyal na pagpapatalsik sa dating punong mahistrado na si Renato Corona. Marami ang nagalak sa pagpapaalis sa kilalang kaalyansa ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na sinasabing nagkamal ng limpak-limpak mula sa kaban ng bayan, ngunit maraming hindi nakakaalam sa buong pangyayari — kung papaano naitulak ang naturang Chief Justice.

Matatandaan na noong Abril ng nakaraang taon nagdesisyon ang Kataas-taasang Hukuman na ipamahagi na ang humigit-kumulang 6,435 ektarya ng lupain ng Hacienda Luisita ng pamilya Cojuangco sa Tarlac na maihahambing na kasing laki ng pinagsamang mga bayan ng Makati at Pasig. Sa kabila ng luhaang pagbubunyi ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay ang panimula naman ng planong patalsikin ang punong mahistrado.

Para sa iba, hindi siguro ganoon kalinaw ang koneksyon, ngunit kahina-hinala ang naganap noong Disyembre 12, 2011. Nagpatawag ng caucus ang mga kaalyansa ng Pangulo sa Batasan upang talakayin ang isang impeachment complaint sa pamumuno ni Niel Tupas Jr., na siyang tumatayong chairman ng Committee on Justice ng Kamara de Representante. Sa kabila ng maraming kongresistang gustong magtanong, dalawa lamang ang pinayagang magsalita. Isa sa malapit nating kaibigan na kongresista ang nagsabi na nagpakita lamang si Tupas, kasama si House Speaker Sonny Belmonte, ng powerpoint presentation hinggil sa naturang impeachment, sabay bitaw ng mga katagang, “Kung di kayo pipirma, hindi kayo para sa pangulo.” Tumatak sa kaisipan ito ng ating kaibigan na isa sa mga tumangging pumirma ,ngunit sa takot na rin ng karamihan sa mga kongresista na hindi mabigyan ng sapat na pork barrel, nakalikom ang impeachment complaint ng 188 na pirma upang maitulak ang impeachment case laban sa punong mahistrado.

Isa lamang ito sa mga pagkakataon na nagpakita ng malawak na impluwensya ng administrasyong Aquino. At ito rin ang magiging dahilan upang maitulak nito ang kahit anong naiisin sa anumang paraan – patas man o hindi.

Sa Disyembre nitong nakaraang taon, natunghayan natin ang pagpasa ng Kamara sa noon ay Reproductive Health (RH) bill nang pagbotohan ito sa ikalawang pagbasa sa bilang na 113 na pabor, 104 tutol at tatlo naman ang hindi bumoto.

Lingid na naman sa kaalaman ng karamihan, marami sa mga kongresista ang muling nangambang hindi bahaginan ng kanilang pork barrel gaya na lamang ng mga kritiko ng pangulo tulad ni Zambales Representative Milagros ‘Mitos’ Magsaysay, na hindi na nakatikim ng pork barrel matapos maupo ang Pangulo. Sa araw ng botohan, pagkatapos magpatawag si Pnoy ng meeting sa palasyo, may iilang representanteng kilalang tutol sa panukala ay bumaliktad at marami naman ang bumoto na may pag-aalinlangan, base na rin sa kanilang mga paliwanag.

Pagpapatunay ito na kahit anong gustuhin ng Palasyo – sakop man ito ng hudikatura o ng Kamara – laging may paraan upang mapatupad ito. Sa pagkakataong ito, hindi maiaalis ang duda na ang mga nakaupong mga mahistrado ay maaaring maimpluwensyahan din ng Palasyo. Isa sa ating mga kaibigan na dating punong mahistrado ang nagsabing hindi malayong mangyari ito, lalo na, marami sa mahistrado ang hindi nagbabayad ng tamang buwis at ito ang numero unong pwedeng magamit ng Palasyo upang diktahan ang Kataas-taasang Hukuman.

You May Also Like