Huling SWS survey, walang aktwal na representasyon – Lacierda

Hindi nairepresenta sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS) ang pambansang damdamin ng mga boboto sa Mayo 9, ito ang sinabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng Malacañan, sa isang pahayag kahapon sa social media.

Batay sa estimates, hindi nagta-tally sa “actual percentage of voters” ang resulta ng survey, wika n’ya. Base rin sa “actual area” kung saan ang mga ito ay boboto, hindi rin nakuha ang kanilang “actual representation.”

Ayon mismo sa SWS, ang dibisyon sa pagitan ng 1,800 respondents ay 300 sa National Capital Region (NCR), 600 sa Balance of Luzon, 300 sa Visayas, at 600 sa Mindanao, ani Lacierda.

Galing pa rin sa SWS, ang area estimates ay “weighted” ng data ng “validated voters” ng Comelec para sa “national estimates,” dagdag n’ya.

Ayon kay Lacierda, ang bilang ng respondents sa Mindanao na dapat ay 414 lamang ay pinalaki sa 600. Ang bilang ng respondents sa NCR ay pinalaki rin, samantalang parehong pinaliit sa Visayas at Luzon.

Base sa “weighted” data ng valid voters ng Comelec, ang bilang ng respondents sa NCR ay dapat 216 lamang, 792 sa Balance of Luzon, 378 sa Visayas, at 414 sa Mindanao, dagdag pa n’ya.

Sa SWS April 18-20, nakakuha ng iskor na 33 porsyento si Rodrigo Duterte; Grace Poe, 24 porsyento; Mar Roxas, 19 porsyento; Jejomar Binay, 14 porsyento; at Mirriam Santiago, dos porsyento.

Sa Vice-Presidential race naman, nakakuha ng 25 porsyento si Leni Robredo; Bongbong Marcos, 24 porsyento; Chiz Escudero, 18 porsyento; Alan Peter Cayetano, 16 porsyento; Antonio Trillanes IV, limang porsyento; at Gregorio Honasan, dos porsyento.

Maari s’yang magkamali, ngunit lubha itong nakababahala dahil marami ang bumabatay sa survey sa pagpili ng kandidato, ani Lacierda.

Hiningi ng Tapat News ang panig ng SWS sa isyung ito, ngunit wala itong tugon hangang sa mga oras na ito. (Oliver Samson)

You May Also Like