Honor Thy Father and Thy Mother

The DreamerNagpapasalamat ako sa Diyos at nabigyan ako ng isang pagkakataon para makabawi naman sa aking mga magulang para sa lahat ng nagawa nila sa akin. Ito ay sa pamamagitan ng dinaraanan ng aming buong pamilya dahil sa sakit ng nanay ko na psychological daw in nature.

Sabi ng doctor niya, successful naman ang pacemaker insertion niya at maayos naman ang kanyang kalusugan at katawan. Pero mahirap kung ang pasyente na mismo ang sumusuko at ayaw gumaling.

Mahirap isipin na mangyayari ito sa isang double degree cum laude tulad ng nanay ko. Pero ito ngayon ang aming hinaharap. Anxiety syndrome o deep depression daw ang tawag dito.

Ang hirap at nakaka-frustrate dahil ang dating ordinaryo ay biglang naging komplikado. ‘Yung basic na pag communicate ay pinahirapan dahil sa kanyang kondisyon. Kung may episodes siya, palagi siyang nakapikit. Ayon sa psychiatrist, ito ang kanyang paraan para i-shut off ang kanyang sarili sa reality o sa mundo.

Bilang Katoliko, ako ay naniniwala na may dahilan ang lahat ng bagay. Pwede naman kami magmukmok at paghinaan ng loob tulad ng iba, ngunit pinili namin na isipin na may itinuturo sa amin ang Panginoon sa sitwasyon na ito.

Lahat ng nangyayari sa atin ay pagkakataon para lalo tayo mapabuti bilang tao. Ito ay mga oportunidad para maging mas mapagkumbaba, mas mapagmahal, mas mapagpasensiya.

At bakit nga ba hindi? Kung mayroon mang tao na karapat-dapat nating pagmalasakitan at pagsakripisyuhan – ito ay ang ating mga magulang.

Salamat talaga sa Diyos sa pagmulat nito sa akin habang may panahon pa para maramdaman pa ito ng aking mga magulang. Sa totoo lamang, hindi pa sapat ang lahat ng ating ginagawa ngayon para sa ating mga magulang.

Napapanahon na sa kanilang edad kung saan parang bumabalik na sila sa pagiging sanggol ay tayo naman ang mag-aruga sa kanila ng may pagmamahal – tulad din ng pag-aaruga at paggagabay na galing sa puso na ibinuhos naman nila sa atin noong tayo ay nasa murang edad pa lamang.

San Jose, tulungan ninyo kaming tularan ang pag-aalagang ibinuhos sa inyo ni Hesus bago kayo pumanaw na yakap-yakap ng inyong mag-inang si Maria at si Hesus.

You May Also Like