Hindi Patas na Pananaw

 

 

HINDI namin nagustuhan ang hindi patas na pananaw ng napakaraming tao, kabilang na ang mga Pilipino, sa pahayag nina Pangulong Barack Obama at Pangulong Rodrigo Duterte.

Nang pagsabihan at turuan ni Obama si Duterte sa harapan ng 18 pinuno, o delegadong dumalo sa ASEAN Summit nitong Huwebes hinggil sa  “tamang paraan” ng paglulunsad ng kampanya kontra sa iligal na droga sa Pilipinas ay walang kumastigo at nanlait sa Pangulo ng Estados Unidos ng Amerika.

Ngunit, nang magsalita na si Duterte upang ihayag ang kanyang saloobin at naramdaman kaugnay sa pagtuturo ng ‘matuwid’ ni Obama sa Pangulo ng Republika ng moros-killed-by-us-soldiersPilipinas, lahat na ng negatibong salita at pagsasalarawan ay inilabas laban kay Duterte.

Nang ipinunto ni Obama ang tungkol sa pagkilala at paggalang sa karapantang pantao ng mga nasasagasaan sa madugong kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyong Duterte ay hindi nakatikim kahit isang salita si Obama mula sa kahit sinong tao, o organisasyon, maliban sa mga kaliwang puwersa.

Ngunit, nang inihayag ni Duterte ang pananaw at paninindigan ng pamahalaan ng Pilipinas ukol sa karapatang pantao ay siya pa ang napasama.

Si Pangulong Duterte pa ang kinastigo ng substansiyal na bilang ng mga Pilipino.

Hindi naipagtanggol si Duterte ng mga nakapaligid sa kanya, kabilang na ang “communications team” ng Pangulo sa pangunguna ni Sec. Martin Andanar.

Sinisi pa ang media.

Bwisit!!!

Hindi na patas ang pananaw kay Duterte, sapagkat hindi nila/ninyo naiintindihan ang punto ni Duterte.

Nang sabihin ni Duterte ang tungkol sa “whole spectrum of human rights,” ang punto niya ay hindi dapat binuklat ni Obama ang paksa ng karapatang pantao na limitado lamang sa partikular na kampanya laban sa bawal na gamot ang batayan at kung hindi rin lang nauunawaan ang buong itsura at konteksto nito, sapagkat kung pag-uusapan at tatalakayin ang paksang karapatang pantao ay dapat silipin, busisiin, talakayan, at pagtalunan ang iba’t ibang pananaw, aspeto, sitwasyon, perspektiba, at iba pa—sa gayon mauunawaan ang malalim at sagradong kahulugan at kabuluhan ng konseptong “karapantang pantao.”

Hindi maipagkakailang inilabas ni Pangulong Duterte ang isang larawan na nagpapakita ng konkreto at malinaw na katibayan ng karumal-dumal na pagpaslang ng mga Amerikanong sundalo laban sa mamamayang Moro noong 1900s upang ipaalam at idiin kay Barrack Obama at sa iba pang lider at delegado ng ASEAN Summit kung sinong bansa ang notoryus at kilabot pagdating sa paglabag sa karapatang pantao.

Ang sabi ni Duterte habang itinuturo ang larawan ng mahigit 1,000 Pilipino na pinatay sa karumal-dumal na paraan ng mga sundalong Amerikano noong 1900s sa Mindanao, “they are my ancestors”!

Hindi dapat binatikos, kinastigo, at pinaglaruan si Duterte sa kanyang mga pahayag, sapagkat ang mga nabanggit niya ay pawang katotohanan lamang.

Nagulat tayo at mayroon pa ngang  isinalarawan si Duterte na mali at walang nalalaman sa “diplomacy.”

Kung bakit ganyan ang akusasyon?

Sapagkat ngayon lamang tayo nakakita ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas na mayroong ‘bayag’ na batikusin nang harap-harapan at ipaalala at ipamukha sa Pangulo ng Estados Unidos ng Amerika, ang pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig, na mali ang kanyang pananaw sa karapatang pantao—at wala siyang karapatang magsabi ng tamang paraan ng kampanya laban sa iligal na droga, dahil ang bansang malapit nang matapos  pamunuan ni Barrack Obama ay notoryus pagdating sa paglabag sa karapatang pantao.

Mali na hindi patas ang ating pananaw sa mga Pangulong magkakaiba ang paninindigan, lalo pa kung wasto ang posisyon at paninindigan ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like