Hindi naman talamak ang korapsyon sa LTO—Galvante

Ni: Bernard Badilla-Toledo

ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si Edgar Galvante bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO) upang “tapusin” ang talamak na katiwalian at pagnanakaw sa pondo ng taumbayan ng mga opisyal at kawani sa nasabing ahensiya.

Matatandaang ilang ulit na idinidiin ni Duterte sa kanyang mga talumpati na isa sa mga ahensiya ng pamahalaan na malupit sa katiwalian at pagnanakaw ng mga opisyal at kawani ay ang LTO.

Ang iba ay ang Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), at ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ngunit, idiniin ni Galvante sa media na hindi naman talamak ang katiwalian at korapsyon sa LTO.

Taliwas ito sa pananaw at paniniwala ni Duterte.

Ayon kay Galvante “Sa pangkalahatan, mas marami ang mabuti, pero siguro ‘yong kaunting may pagkakamali at ‘di tama ang ginagawa ay mas na ha-heighten [sa media]. Sa aking very limited na pagkakaalam, mas maraming hard worker at tumatalima sa kautusan sa pagtatalima sa batas.”

Marahil itinuturing ng opisyal ang Anti-Graft and Corruption Practices Law.

“Sabihin na meron (corrupt), kung meron man, we will not allow it to continue,” tugon ni Galvante.

Inilabas ng Tapat News online nitong Lunes ang pag-aaral na isinagawa ng Civil Service Commission (CSC) na ang LTO ang nangunguna sa korapsyon dahil sa rami ng fixer.

 

 

Pumangalawa ang BOC.

Ang fixer ang tumutulong sa mga kliyente ng pamahalaan upang mapabilis ang transaksiyon kapalit ang malaking halagang ibabayad sa fixer na ang bulto ay mapupunta sa corrupt na opisyal.

May komisyon ang fixer bilang kita nito.

Sa pamamagitan ng fixer, kumikita ang mga corrupt na opisyal at kawani ng malaking pera na ipinambibili nila ng mga batayang pangangailangan ng kanilang mga anak.

Ilan sa mga produktong inaasikaso ng LTO ay ang plaka ng sasakyan, lisensya sa pagmamaneho, at insurance ng sasakyan kung saan ginagamit ng mga corrupt na opisyal at kawani upang kumita ng limpak-limpak na pera.

Isa nga sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ng mga pangunahing opisyal ng LTO noong 2015 ay ang P3.8 bilyong kontrata nito sa pagpapagawa ng plaka ng sasakyan sa Power Plates Development Concepts Inc. at J. Knieriem BV Goes.

Inimbestigahan ito ng Senado.

Idiniin noon ni Rep. Rodolfo Albano 3rd na ang kasunduan ng LTO at ng dalawang kompanya ng plaka ng sasakyan na “one big black mark on the Aquino administration” kung papayagan nito na ipagpatuloy ng LTO ang proyekto.

Walang ginawa ang nakalipas na administrasyon tungkol sa kontrobersiya kahit luging-lugi angpamahalaan sa transaksiyon.

Ayon kay Galvante, titiyakin niyang magiging maganda ang serbisyo ng LTO sa publiko sa kanyang pamumuno.

You May Also Like