Hindi lahat nakukuha sa tingin

The Jumping WallNoong panahong ako ay binata, madalas kong kasama ay ang mga kaibigan ko sa may amin. Tulad ng ibang mga lalakeng magkakabarkada, bukod sa pagbabasketball ay may oras na nakatambay lang kami at nagkwekwentuhan tungkol sa iba’t ibang mga bagay. Minsan may kasama pang ilang bote ng beer.

Dahil sa dito ko sila madalas makasama, doon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na ibahagi ang ilang pananaw ko sa buhay. Ang karamihan sa kanila ay mas bata kaysa sa akin at ang ilan ay nag-aaral pa o kaya naman ay huminto na. May ilan na nagtatrabaho na ngunit ‘di pa nakapagtapos ng kolehiyo. Ako naman ay nakatapos na noon at nagtratrabaho na. Tuwing magkakasama kami, nagbabahaginan kami ng mga kuro-kuro at plano sa buhay. Bilang nakatatanda at siguro dahil na rin sa ako pa lang ang nakapagtapos noon, binigyan nila marahil ng bigat ang aking mga payo at opinyon. Hinikayat ko sila kahit papano na subuking tapusin ang kanilang pag-aaral. Kung hindi man talaga kaya, ituloy pa rin ang pagsisikap dahil hindi rin naman sa pagtatapos lang ng pag-aaral makakamit ang maayos na buhay.

Makalipas ang ilang taon, marami sa amin ang nakatapos na — may mga maaayos na trabaho. May iba na nag-aaral pa rin ngayon kasabay ng pagtratrabaho. May ilan na may pamilya na rin. May hindi nakatapos pero mayroon namang disenteng trabaho. Bihira na kami magkita kita ngayon dahil na rin sa aming mga sitwasyon, ngunit tuwing nagkakaroon ng pagkakataon, masaya kaming nagkukuwentuhan at madalas ang usapan namin ay tungkol sa mga dati naming ginagawa. Dagdag dito, nagplaplano din kami na sa susunod ay makapagtayo kami ng maliit na negosyo kung kakayanin namin. Hindi ko inaako ang pagbabago o pag-ayos ng buhay ng mga kaibigan ko dahil sila naman ang may gawa at nagdesisyon ng mga nangyari sa kanilang buhay. Pero kami na mismo ang naniniwala na ‘yung mga dati naming mga pagsasama-sama ay malaking bagay rin bilang support system namin noon.

Lalo sa akin dahil bago kami nagkasama-sama, nagkaroon ako ng sakit noon na dulot ng matinding stress at pagod. ‘Pag inaatake ako ng sakit ko na ‘yun, namamanhid ang buo kong katawan at nahihirapan akong huminga. Simula nang nakasama ko sila, nabawasan ang aking stress kahit papano hanggang sa tuluyang ‘di na ako sinusumpong. Nagkatulungan kaming lahat.

‘Yung mga panahong kami ay nakatambay at nag-iinuman noon, marahil sa paningin ng iba ay pagsasayang lamang ng oras. Parang walang kabuluhan. Pero hindi na rin sa amin importante kung ano ang iniisip ng iba noon dahil wala naman kaming ginawang masama at nagbunga pa nga ng ilang mabubuting bagay ang mga oras na ‘yon sa amin. At sa tuwing maalala ko ang bahaging ito ng buhay, napapaalalahanan ko ang aking sarili na hindi ko dapat husgahan basta basta ang kapwa ko sa nakikita kong ginagawa nila o estado nila sa ngayon dahil maaaring ito pala ang pinakamabuting daan patungo sa kanilang mas maayos na kinabukasan.
rogie_ylagan@yahoo.com

You May Also Like