Hindi Dapat Press Release

 

 

WALANG masama kung naibabalita sa media ang mga anunsiyo, desisyon, aksiyon, at plano ng mga opisyal ng pamahalaan, lalu na iyong mga halal ng mga botante, sapagkat tungkulin naman nilang ipaalam ang mga ito sa mamamayan, lalo na sa kanilang nasasakupan.
 
Ang totoo, dapat ipaalam ng mga opisyal ng pamahalaan sa mamamayan ang ginagawa nila upang malaman ng mamamayan kung ano ang  nangyayari sa kanilang lider.
 
Ang isa pa ngang totoo ay batayang usapin na malaman ng mamamayan kung anu-ano ang tama at maling ginagawa ng lider nila.
 
Ngunit, ang ibinabalita, o sabihin nating ‘ipinababalita’ ng mga opisyal ng pamahalaan na ginagawa nilang paglilingkod ay hindi dapat hanggang press release lang.
 
Katulad ngayong nasa gitna ng matinding kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ipinagbabawal na gamot, si dating pangulong Joseph “Erap” Estrada na alkalde ng Maynila ay mukhang sumasabay, kaya madalas din siyang nasa telebisyon, radyo, at mga dyaryo, lalo na sa mga pahayagang tabloid.
 
Nitong Hulyo, nanawagan siya sa mga sampung punong barangay ng Maynila na pawang  mga lulong sa bawal na gamot na sumuko na.
 
Hindi sumuko. Hindi rin sinundan ni Erap ang panawagan niya upang tuluyan at mapagpasyang sumuko ang mga adik na punong barangay.
 
Hiniling din ni Estrada kay Senior Supt. Joel Coronel na linisin at tanggalin sa Manila Police District (MPD) ang tinawag niyang ‘kotong cops.’
 
Ngunit, hindi natanggal ni Colonel ang kotongerong mga pulis.
 
Idiniin ni Erap sa media ang kotong cops ay mga pulis na kumikita mula sa mga vendor at iligal na terminal at paradahan ng mga pampublikong sasakyan.
 
Walang nangyari sa utos ni Erap.
 
Hindi rin niya hinabol si Colonel upang tanggalin nga nito ang mga tiwaling pulis sa MPD.
 
Lahat ng nabanggit ay lumabas sa press, lahat ay malinaw ang pagkakabalita.
 
Pero, napakalabo ng pangyayari.
 
Hindi kaya press release lang ang mga pinaggagawa ni Erap?
 
Iyong mga pagtanggal ng mga vendor sa Divisoria, sa Avenida, sa Quiapo ay kitang-kitang lahat sa telebisyon na pinangungunahan ni Mayor Estrada.
 
Pagkatapos na wala nang media, balikan nang lahat sa bangketa.
 
Punyeta, press release nga!!!
 
Nakaiinis. Nakabubuwisit.
 
Matagal nang pulitiko si Erap at naging pangulo pa ng Pilipinas, ngunit hanggang ngayon dinadaan niya ang kanyang paglilingkod at mga ginagawa sa press release.
 
Ang press naman ay ibinabalita siya, sapagkat trabaho ‘yan ng press people na ibalita ang ginagawa ng lahat ng opisyal ng pamahalaan, kabilang na si Erap.
 
Ngunit, hindi binubulatlat ang katotohanan sa kanyang mga ginagawa.
 
Hindi kinukuwestiyon ang mga mali niya, kaya ang press ay magmumukhang sunud-sunuran ni Erap.
 
Hindi dapat nagpapaloko ang press kay Erap.
 
Hindi dapat pauuto ang press kay Estrada.
 
Dapat ngang tanungin si Estrada kung press release lang, o hindi ang kanyang mga ginagawa at pinagpapapasyahan.
 
Tungkulin ng media na malaman ang katotohan kung press release ang ginagawa ng mga tulad ni Erap.
 
Bakit si Erap?
 
Siya kasi ay napalaking tao (naging mayor, naging senador, naging bise-presidente, at naging pangulo) kaya siya ang puntirya, at hindi ang alkalde ng isang sulok sa Pilipinas.
 
At kung babatikusin si Erap, huwag na huwag siyang magagalit dahil gustong malaman ng press kung hanggang press release na lamang ang ginagawa niyang paglilingkod at paninilbihan sa mamamayan ng Maynila.
Sana nga hindi press release, kundi totoo at tapat na paninilbihan at paggampan ng mga gawain, resposibilidad, at mga ginagawa, sapagkat iyan ang tamang gawin bilang opisyal ng pamahalaan.

You May Also Like