Hindi Dapat Kontra Mahirap

 

KUMBINSIDO kami rito sa TapatNews.com na kailangan nang baguhin ang 20-taong-gulang na sistema ng pamumuwis sa Pilipinas.

Katunayan, gustong-gusto namin ang katwiran ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na kailangang maging simple, progresibo, patas, at epektibo ang sistema ng pamumuwis sa mamamayan at mga negosyante.

Ngunit, hindi namin matanggap na ang pagbabagong gagawin ay puntirya ng Department of Finance (DOF) ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino.

Sabi ni Dominguez, ang mungkahi ng DOF ay siguradong makalilikom ng maraming pera na kakailanganin ng administrasyong Duterte upang tustusan ang lahat ng programa at proyekto nito na nakabatay sa 10-puntong adyenda para sosyo-ekonomiyang pagbabago ng Pilipinas.

Sabi ni Dominguez, malaking halaga ang mapupuntang pera sa pamahalaan, dahil sa repormang iminumungkahi ng DOF sa pamumuwis sa Pilipinas.

Tanong namin dito sa TapatNews.com, bakit ang bulto ng pagkukunan ng pera ng pamahalaan ay ang mamamayang Pilipino?

Bakit hindi ang iilang Pilipino na ubod ng yaman ang buwisan nang husto?

Walang batikang ekonomista sa TapatNews.com.

Kahit nga nagtuturo ng Basic Economics ang Editor-in-Chief ng TapatNews.com, aminado siyang hindi siya experto sa ekonomiya.

Ngunit, hindi mahina ang kokote niya upang hindi maintindihan na direktang apektado ang ordinaryong mamamayan, ang mga manggagawa sa kongkreto, sa  kagustuhan ng DOF na tanggalin ang mga eksemsyon sa 12-porsyentong value-added-tax (VAT) upang dumami ang mga produktong may 12% patong na buwis.

Hindi mahirap unawain na kapag dinagdagan ang excise tax ng mga produktong petrolyo, kabilang na ang liquefied petroleum gas (LPG), ay tiyak magsusunurang tataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo—na diretsong sapul ang ordinaryong mamamayan.

Kahit pa igiit ni Dominguez na mungkahi nilang gawing 25% na lang ang personal income tax (PIT) mula sa kasalukuyang 32% ng mga nagtatrabaho ay hindi makatwiran ang mga mungkahing pagbabago sa sistema ng pamumuwis.

Tingnan natin kung wasto: Babawasan ng pitong porsyento ang PIT, pero magkano naman ang magiging presyo ng mga bilihin?

Napakalinaw ng ideya ng tropa ni Dominguez sa DOF: Ipasa sa ordinaryong mamamayan ang buwis.

Ibig sabihin, ipapasa ng mga negosyante sa mga mamimili ang sisingilin sa kanila ng pamahalaan.

Iyan naman ang kalakaran sa Pilipnas.

Iyan naman ang ‘batas’ ng mga negosyante.

Sa makatuwid, ang dapat na imungkahi ng DOF ay iyong ipapasa ng mga negosyante doon sa mga may kaya—doon sa mga mayroong pera.

Halimbawa, doon sa mga may sariling sasakyan, sariling bahay at lupa, sa mga mamahaling restoran.

Ang nakasaad sa Saligang-Batas, progresibo ang dapat na sistema ng pamumuwis sa Pilipinas.

Ibig sabihin, buwisan ang mas malaki ang kita at hindi iyong kakarampot ang kinikita kada buwan.

Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 67 milyon ang mga manggagawang Pilipino.

Sa 67 milyon, mahigit 36 milyon ang hindi regular ang trabaho.

At ang 31 milyong natitira ay hindi lahat may trabaho.

Napakalaking bilang ay naghahanap ng trabaho.

At iyong malaking bulto sa mga nagtatrabaho ay wala pa sa minimum ang sahod kada buwan.

Kaya ganito ay dahil napakaraming kapitalista na ang gusto ay sila lamang ang mabubuhay nang disente.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like