Hero Bautista adik pala pero tumakbong konsehal sa Quezon City

 

 

Ni: Joel O. Amongo
 
TAHASANG umamin ang bagitong konsehal ng Quezon City na si Hero Bautista na siya ay tumitira ng ipinagbabawal na gamot.
 
Si Bautista, na representatibo ng ika-4 na Distrito ng Quezon City sa Sangguniang Panglunsod, ay umamin sa sesyon ng Sangguniang Panglunsod ngayong Lunes na siya ay totoong gumagamit ng bawal na gamot.
 
Pero, idiniin ni Bautista na siya ay “biktima” lamang.
 
“This is my whole life journey with the lesson I learned. Rest assured, my colleagues in the city council, I shall echo not only to you, but to the rest of the community,” paliwanag ng konsehal.
 
Nabisto ang paggamit ni Hero makaraang nagpositibo siya sa drug test na inilunsad ni Bise-Alkalde Ma. Josefina “Joy” Belmonte mahigit isang linggo na ang nakalilipas.
 
Nagpostibo pa rin si Hero sa confirmatory test, malakas na patunay na totoong adik si Konsehal Hero.
 
Noong una ay sadyang inilihim pa ni Mayor Herbert Bautista sa media na adik ang nakababata niyang kapatid, gayong ang kanyang hepe ng Public Affairs and Information Services (PAISO) na si Ares Gutierrez ang naunang umamin sa media na adik nga si Hero.
 
Si Bautista ay nakababatang kapatid ni Mayor Herbert Bautista at ng dating artista na si Harlene Bautista-Sarmienta.
 
Artista rin si Hero noong bata pa, ngunit nalaos habang lumalaki na.
 
Nanalong konsehal si Hero nitong halalang Mayo 9 sa ilalim ng Liberal Party (LP), ang partido-pulitikal ni Herbert.
 
Unang beses na tumakbo si Hero dahil umano sa todo-suportang ginawa ni Herbert.
 
Sabi ng mga residente ng Quezon City, masigasig na nangampanya si Herbert, pero hindi para sa kanyang sarili, kundi kay Hero, sapagkat wala namang kalaban si Hebert.
 
Bago pumasok sa pulitka, hindi  malinaw kung ano ang trabaho, o pinagkaabalahan ni Hero sa mahabang panahon, maliban sa paggamit ng bawal na gamot.
 
Sa kanyang pag-amin, suportado siya ng kanyang mga kapatid, banggit ni Harlene.
 
Ipinagdasal pa siya ng pamilya, patuloy ni Harlene.
 
Sa talumpati, tiniyak ni Hero na walang kinalaman si Herbert sa bisyo n’ya.
 
Idiniin din niyang hindi protektor ng sindikato ng droga si Herbert.
 
Ganito ang banggit ni Hero: “He (Hebert) will never be a drug protector. I am the protector of my brother (Herbert).”
 
Maraming nagulat sa pahayag ng baguhang konsehal, sapagkat wala namang nag-aakusa sa alkalde mula sa 36 na konsehal at kay Bise-Alkalde Joy Belmonte na protektor siya ng mga sindikato ng shabu na naglipana sa Quezon City.
 
Malalaman ang katotohanan sa binanggit ni Hero kapag inilabas na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karugtong na listahan ng mga protektor ng sindikato ng droga kung saan inaasahang mababanggit ang substansiyal na bilang ng mga alkalde sa Metro Manila at lalawigan ng Rizal na pawang mga protektor ng mga sindikato ng droga.
 
Tiniyak ni Hero na magpaparehab siya, ngunit isang buwan lang at pagkatapos ay babalik na siya sa Sangguniang Panglunsod.
 
Ayon kay Belmonte, ang pagpaparehab sa mga adik ay umaabot sa anim na buwan.
 
Hinangad ng Tapat News online at bi-monthly newspaper na kunin ang reaksiyon ng mga konsehal sa pag-amin ng baguhang mambabatas ng lungsod, ngunit lahat ng 35 konsehal ay tahasang tumanggi, sapagkat ayaw nilang makaladkad sila sa kontrobersiya na kinasasangkutan ng mga Bautista.

You May Also Like