Herbert natuwa sa pagpaparehab ni Hero

 

 

 Nina: Joel O. Amongo at Bernard Badilla Toledo
 
NATUWA si Quezon City Mayor Herbert Bautista sa desisyon ng kapatid na magparehab na upang makawala na ito sa ipinagbabawal na gamot.
 
Ito ang banggit ni Ares Gutierrez, hepe ng Public Assistance and Information Services Office (PAISO) ng pamahalaang lungsod ng Quezon City, sa Tapat News online at bi-monthly newspaper.
 
Idiniin pa ni Gutierrez na suportado ng pamilya Bautista sa pamumuno ni Herbert ang desisyon ni Hero.
 
Matatandaang inamin ni Hero sa kanyang talumpati sa Sangguniang Panglunsod nitong Lunes na siya ay lulong sa droga.
 
Mawawala saglit sa ‘juicy position’
 
Aniya, magpaparehab na siya, kaya pansamantalang mawawala siya sa Sanggunian.
 
Si Hero na ngayon pa lamang naging konsehal ay chairman ng Committee on Infrastructure, pinaniniwalaang “juicy position.”
 
Juicy position, dahil binubusisi sa Infrastructure Committee ang milyun-milyon hanggang bilyun-bilyong halaga ng mga proyekto, bago aprubahan ng mga konsehal.
 
Masyadong malakas ang bulung-bulungan sa city hall na may mga konsehal ang yumayaman sa proyekto dahil sa ‘parating’ at ‘panglangis.’
 
Isa sa pitong representatibo si Hero ng Distrito 4 sa Sangguniang Panglunsod.
 
P20 Bilyon
 
Sa kanyang talumpati noong Hunyo 30, inilatag ni Mayor Bautista na kasama ang Quezon City sa P20 Bilyong development project ng pamahalaan para maayos ang problema sa trapiko at baha kung saan apektado ang 55,000 informal settlers sa Quezon City.
 
Ang mga proyektong ito ay dadaan sa Sangguniang Panglunsod.
 
Pinag-uusapan sa komite ni Hero ang lahat ng isyu kabilang na ang pondo.
  
Sa bawat proyekto sa Quezon City, ang layunin ng kontratista ay para kumita.
 
Romnick Sarmienta
 
Nabatid ng Tapat News na isa umano sa mga kontratista ay ang bayaw nina Herbert at Hero na si Romnick Sarmienta, asawa ni Harlene.
 
Ang banggit ng source, ito na ang ikinabubuhay nila ni Harlene Bautista mula nang malaos ng dalawa sa pelikula at telebisyon.
 
Hindi lang sinabi ng source  kung kilala ni Sarmienta ang  isang alyas ‘Warrior’ na kontratista rin.
 
Kumikita umano si Warrior ng napakalaking pera sa mga proyekto sa lungsod.
 
Para hindi ‘masunog’ ang operasyon ni warrior, nagbibigay ng malaki ito sa isang opisyal sa pamahalaang lokal.
 
Babalik si Hero
 
Babalik din naman si Hero sa konseho matapos magparehab, saad ni Gutierrez.
 
Ayon kay Gutierrez, nagpasya si Hero na magparehab dahil na rin sa anak niyang lalaki na 15-taong-gulang na.
 
Aniya, isinailalim na sa assessment, o counselling si Hero upang matukoy kung eksaktong kondisyon, o kadami ang tinira nitong droga.
 
Ang haba ng rehabilitasyon ni Hero ay depende sa resulta ng pagtatasa sa kanya ng mga doktor.
 
Hindi kaya ni Herbert
 
Napag-alaman ng Tapat News na hindi na kayang mapigilan si Hero sa paggamit nito ng ipinagbabawal na gamot,  kaya hinimok ito ni Herbert na tumakbong konsehal upang magbabago.
 
Ito ay nangangahulugang alam ni Herbert na adik si Hero.
 
Marami pang adik
 
Pero, hindi lang si Hero kundi mayroon ding mga kawani sa city hall na nagpositibo sa drug test.
 
Hindi pa inilalabas ng tanggapan ni Mayor Bautista, o ng PAISO ang kabuuang bilang.
 
Ang Quezon City ay isa sa pinakatalamak ang droga, lalu na shabu, kung saan hindi masawata sa mga nagdaang taon, sapagkat maraming pulis ang sangkot bilang ‘ninja,’ o mga nagre-recycle ng shabu na ninanakaw nila sa mga nakumpiska nila sa mga drug dealer at pagkatapos irepak ay ibebenta uli sa mga adik.
 
Halos 200 na ang natukoy na sangkot na pulis Quezon City na pasok sa droga.
 
Marami rito ay naipatapon na sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), kabilang na ng dalawang superintendent ang ranggo.

You May Also Like