Hanggang pangako lang pala si Duterte

Ni: Nelson S. Badilla

Walang pinag-iba si Rodrigo “Digong” Duterte sa mga pulitiko.

Noong kampanya, nangako si Duterte na wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon dahil hindi ito tama para sa mga manggagawang Pilipino.

Katunayan, siya pa nga ang nanguna sa mga tumatakbo noon sa pagkapangulo na naglagay sa pampublikong opinyon ang tungkol sa problema ng kontraktuwalisasyon.

Tapos, nagsigayahan ang kanyang apat na kalabang sina Jejomar Binay, Manuel Roxas 2nd, at Mirriam Defensor-Santiago.

Malala ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.

Sa pagtaya ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at Associated Labor Alliance (ALU), mahigit 35 milyon ang contractual workers mayroon ang bansa mula sa halos 68 milyong manggagawa alinsunod sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), isang ahensiya ng pamahalaan naa namamahala at nangangalaga sa istadistika at datos ng iba’t ibang usapin sa bansa.

Ang mga contractual worker na ito na naglipana sa mga pribadong kompanya at aheensiyaa ng paamahalaan ay wala pa sa minimum ang sahod kada buwan.

Wala rin silang 13 th month pay. Walang bonus. Walang benepisyong natatanggap sa Social Security System at Philippine Health Insurance Corporation o Philhealth.

Tiyak akong alam na alam ito ni Duterte. Kaya nga kinaladkad niya ang isyu ng kontraktuwalisasyon.

Ngunit sa 10-point agenda ng administrasyong Duterte ay hindi kasali ang tungkol sa nabanggit na suliranin ng mga manggagawa.

Noong unang anunsiyo sa media, 8-point agenda ito.

Dinagdagan ng dalawa ng kanyang economic team sa pangunguna nina Prof. Ernesto Pernia at Prof. Benjamin Diokno, kaya naging sampu.

Ang 10-point agenda ng administrasyon Duterte ay tungkol sa pagpapairal ng progresibong sistema sa pamumuwis, pagtaas ng badyet sa imprastraktura taun-taon kung saan nakadiin sa public-private partnership (PPP), turismo, seguridad sa pag-aari ng lupa, pagpapalakas ng human capital, pangangalaga sa mahihirap kung saan kamasa pa rin ang kontrobesiyal na pamamahagi ng pera sa mahihirap buwan-buwan, pag-taas ng produksiyon sa agrikultura, at pagpapasigla ng kompetensiya sa negosyo kung saan tatanggalin ang limitadong pag-aari ng dayuhan sa negosyo at lupa habang namumuhunan at nagnenegosyo sa Pilipinas.

Idinagdag ang pagpapaunlad ng siyensa at teknolohiya at implementasyon ng batas ukol sa contraceptives upang maiwasan ang paglobo ng populasyon ng bansa.

Ang sampung ito ang ihaharap ni Duterte sa “Davao Summit” na dadaluhan ng 300 negosyante ngayong Hunyo 20.

Ayon sa kampo ni Duterte, walang dadalong lider manggagawa kahit isa.

Hindi nila binanggit ang dahilan kung bakit walang partisipasyon ang hanay ng manggagawa.

Ngunit, kahit ilihim nila, kitang-kita naman ang dahilan: Walang adyenda ang administrasyong Duterte para sa halos 68 milyong manggagawang Pilipino.

Hindi pa man nauupo si Duterte sa Malakanyang, malinaw pa saa sikat ng araw na hindi itutuloy ang pagwasak sa kontraktuwalisasyon ang papasok na administrasyon.

Kaya, mananatiling delubyo ang buhay ng higit 35 milyong contractual workers sa susunod pang anim na taon.

Posibleng madagdagan pa ang higit 35 milyon kung tuluy-tuloy na pababayaan ni Duterte ang mga manggagawa.

Kaya, ang pangako ni Duterte sa mga manggagawa ay mananatiling pangako hanggang 2022.

Kapaaris din siya ni Benigno Simoen Cojuangco Aquino 3rd na napakaraming ipinangako habang nangangampanya sa pagkapangulo noong eleksiyong 2010, ngunit nang maupo sa estado poder  hanggang ngayong maatatapos na ang termino sa Hunyo 30 ay nanatiling pangako.

You May Also Like