Hamon ng pag-aasawa yakapin – Villegas

Ayon kay Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the  Philippines, kinakailangang pagtibayin ang pagkilala sa “misteryo ng pag-aasawa.”
Ayon kay Arsobispo Socrates Villegas, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the
Philippines, kinakailangang pagtibayin ang pagkilala sa “misteryo ng pag-aasawa.”

HINIMOK ng pinakamataas na kagawad ng Iglesiya Katolika kamakailan ang mga mag-asawa na muling yakapin ang ‘misteryo sa pag-aawasa’.

“Kapag nawala ang misteryo, papasok ang pagtataksil at susunod na ang pagtatalo … at ang Diyos ay maiisangtabi ,” ani arsobispo Socrates Villegas ng Lingayen Dagupan, kasalukuyang presidente ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP).

Ipinaliwanag ni Villegas na ang Diyos ay, “matatagpuan hindi sa pamamagitan lamang ng lohikal na pangangatwiran , kung hindi sa pamamagitan ng isang malalim na pagkilala sa isang misteryo, at paghanga.”

Dagdag pa ng arsobispo, “Kapag nawala ang misteryo, maliligaw din ang pamilya dahil tayo ay magiging ilaw lamang ng pag-asa sa pamilya kung tatanggapin natin na tayo ay lalaki at babae ng misteryo, na mauunawaan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya.”

Hinamon din ni Villegas ang mga kalahok sa katatapos lamang na Asian Conference on the Family na pag-ibayuhin ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, sa pamamagitan ng isang matibay na pananampalataya sa kabila ng mga hamon ng buhay pamilya.

Panawagan din ng asobispo sa mga dumalo sa naturang conference mula sa iba’t-ibang panig ng Asya na “maging simbolo ng pag-asa” para sa iba pang mga pamilya sa buong mundo.

“Tayo ay nananalangin na ang bawat Kristiyanong pamilya sa Asya, bawat Kristiyanong pamilya sa Pilipinas, ay magiging pamilya na nag-aalab para sa Panginoon, nananatiling naghahanap sa Panginoon at walang katahimikan kung wala ang Panginoon.”

Kabilang sa dumalo sa tatlong araw na pagpupulong ang libo-libong pari at madre, guro, mananampalataya at ilang mga pulitiko. Napagtuunan sa mga diskusyon ang kasalukuyang sitwasyon ng mga pamilya.

Pinasinayaan naman ng pinuno ng Pontifical Council for the Family mula sa Vatican na si Bishop John Laffitte ang nasabing pagpupulong kasama ang representante ng Santo Papa sa Pilipinas na si Papal Nuncio Archbishop Guiseppe Pinto at ilang mga obispo mula sa ibat-ibang panig ng Asya. (Paolo de Guzman)

You May Also Like