Hamon kay Rafael Mariano

UNANG pagkakataon na italaga ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas ang isang lider ng mga pesante at magsasaka na ‘pambansa demokratiko na may sosyalistang perspektiba’ bilang kalihim o pinuno ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ang tinutukoy namin ay si Rafael “Ka Paeng” Mariano, ang pambansang taga-pangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Ang isinusulong ng KMP na tunay na repormang agraryong isinusulong din ng Communist Party of the Philippines (CPP).

Ang pangunahing laman ng nasabing reporma ay magkaroon ng sariling lupang sasakahin ang mga magsasaka na may solidong suporta ang pamahalaan.

Ang pamahalaan ng Pilipinas ay mayroon ding pinatutupad na repormang agraryo na ang tawag ay Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), ngunit natigil na ito noong 2014, dahil tapos na ang buhay nito.

Humirit ang DAR sa ika-15 Kongreso na palawigin pa ng isang taon ang buhay ng CARP upang matapos na ang pamamahagi ng mga lupa sa mga magsasaka.

Sa rekord ng DAR, aabot pa sa 50,000 magsasaka na benipesaryo ng CARP, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa natatanggap ang lupang para sa kanila.

Ang kahilingang palawigin ang buhay ng CARP ay hindi nanalo sa Kongreso, sapagkat hinarang ng mga asinderong mambabatas o maka-asinderong mambabatas ang panukalang batas.

Ang CARP ay nagsimula pa noong 1987—panahon  ni Corazon Cojuangco Aquino—mula nang naging batas ang Comprehensive Agrarian Reform Law (CARL).

Ngayon nakaupo si Mariano, siyempre mag-iiba ang kilos at direksiyon ng DAR.

Ngunit, ang mabigat na usapin ay ang adyendang inilatag mismo ni Mariano—ang ilan sa mgaa ito ay ang pagkakamit ng tunay na repormang agraryo, pagkukumpleto sa pamamahagi ng mga lupa sa magsasaka, at pagtutukoy at pag-eevaluate kung ano ang eksaktong nangyari sa mga magsasakang matagal binabanggit ng DAR na nabigyan ng lupa ng pamahalaan simula 1972. Panahon pa ito ni Ferdinand E. Marcos.

Ang mga inilatag ni Mariano ay siya naring mga hamon sa kanyang pamumuno sa DAR.

Sana maganap lahat, sapagkat tingin namin lahat ay para saa interes at kagalingan ng mga magsasaka at pesante sa bansa.

Halimbawa, iyong pagkukumpleto sa pamamahagi ng lupa sa magsasaka ay walang dudang para sa interes ng mga magsasaka.

Ang mga magsasaka, bilang isa sa mga elemento ng isang lipunan tulad ng Pilipinas, ay nararapat lamang na magkaroon ng sariling lupang sasakahin.

Alinsunod sa kahulugan ng ekonomiya, ang lupa kasi ay isang pinagkukunan ng mga produkto at serbisyong ginagamit ng mga tao, kaya nararapat ding magkaroon ang mga magsasaka ng lupa.

Kung asindero lamang ang mayroong lupa, nangangahulugang binabago natin ang kahulugan ng ekonomiya at panlipunang katarungan.

You May Also Like