Halalan na!

meloSa darating na Lunes, ika-13 ng Mayo, idaraos ang tinaguriang mid-term elections na katatampukan ng paghalal sa labing-dawalang senador at higit sa dalawang daang mambabatas. Magmumula ang mga mambabatas sa mga distrito at party-list.

Mula sa aking pagkabata na may katagalan na rin naman, lagi akong nagmamasid sa paraan ng pagboto at sa kalakaran ng pagbibilang sa mga presinto. Sa bilangan, ‘di maiiwasan ang kantiyawan ng mga tagasunod ng mga kandidato sa pagka-gobernador, bise-gobernador, mga bokal o board members at mga alkalde. Nagbabantayan ang mga watcher ng iba’t ibang political parties sapagkat baka magkaroon ng dayaan.

Naaalala ko na mayroong mga kandidatong likas na magulang. Kung may P300.00 ang watcher ng kalaban, bibigyan niya ng P 500.00 ang sasabihang magmeryenda ka na at bumalik na lamang sa oras na matapos ang bilangan.

Mayroon ding mga kandidato na umaarkila ng mga bus upang dalhin sa isang resort ang mga botanteng hindi niya makumbinseng bumoto sa kanya sa araw ng halalan. Sa resort magkakaroon ng masaganang kainan at walang humpay na inuman. Kaya nga lamang, ‘pag nakainom na ang mga botante, saka sasabihan ng mga lider na mayroong liquor ban kaya’t hindi na sila makaboboto.

Noong mga nakalipas na halalan, hindi lamang Commission on Elections ang bumibili ng indelible ink, ang tintang inilalagay sa kuko ng hintuturo (index finger) ng mga botante. Kahit mga kandidato ay bumibili ng tinta upang ilagay sa mga daliri ng mga botanteng sumusuporta sa kanilang kalaban. Ang kalakarang ito ay tiyak na may kapalit na halaga.

Sapagkat naganap na ang nakita ni Herbert Marshall McLuhan, ang dalubhasa sa larangan ng media at isang intellectual mula sa Canada, ang pagkakaroon ng global village, mas maraming kandidato ang umaasa sa kanilang exposure sa radyo, telebisyon at maging sa internet.

Nakatutuwang isipin na ang mga isinusulong ng mga kandidato sa pagkasenador ay hindi nila basta magagawa, tulad ng pagbibigay ng hanapbuhay, pagpapababa ng presyo ng bilihin at pagsugpo sa katiwalian. Bagama’t may posibilidad na magawa ito, hindi ko mawari na sa laki ng kanilang gastos sa mga patalastas sa media, sa kanilang mga public relations managers at iba pang alyadong serbisyo, lubhang napakabanal naman yata ng kanilang adhikain upang gumastos ng pagkalaki-laki upang maglingkod sa bayan na kakarampot naman ang tatanggaping sahod.

May mga pagsusuri na upang makapaglunsad ng isang masiglang kandidatura ang isang naglalayong maging pangulo ng bansa, kailangang mayroon siyang P 3 bilyon o tatlong libong milyong piso.

Kung tayo bang mga karaniwang tao ang mayroong tatlong bilyong pisong mula sa ating pagpupunyagi, bigla-bigla mo na lamang bang gagastusin ito upang kumandidato ka sa panguluhan?

Kung mayroong isang kongresista na gumastos noong dekada otsenta ng P 70 milyon sa kanyang napakaliit na lalawigan, saang kamay ni Abraham naman kaya niya babawiin ang kanyang ginasta?

Ako po’y nag-aabang ng magaganap sa mga susunod na araw. Sa oras na malaman kong walang source code na tangan ang Commission on Elections, marahil ay hindi na ako lalahok sa botohan.

Hindi ko rin mawari kung ako ang babantayan ng mga volunteer ng PPCRV at NAMFREL samantalang walang bilangang magaganap sa presinto.

Baka naman itong halalang ito’y mauuwi sa hangalan?

You May Also Like