Hacienda Luisita Ipamamahagi na sa mga Magsasaka

 

 

Ni: Boy Celario

 

 

TAPOS na ang maliligayang araw ng pamilya Cojuangco at Aquino makaraang magpasya ang Department of Agrarian Reform (DAR) na ipasailalim na ang malaking bahagi ng asyenda sa repormang agraryo.

Idiniin ni DAR Secretary Rafael Mariano na wala nang balakid ngayon sa pagpapasailalim ng Hacienda Luisita na opisyal na pag-aari ng Tarlac Development Corporation (TADECO) dahil ibinasura ng DAR ang apila ng nasabing kumpanya.

Ani Mariano, walang merito, o sapat na batayan ang kahilingan ng TADECO na huwag ipasailalim ang asyenda.

Kaya, ipinag-utos ni Mariano ang pamamahagi 358.22 ektaryang lupa (3,582,200 kuwadro-metrong lawak ng lupa).

Ang ipamamahaging lupa ay itinuturing na pangunahing lupang pang-agrikultura na  matatagpuan sa Brgy. Belete at Cutcut, Tarlac City.

Ang ibang bahagi ng asyenda ay sumasakop sa ibang barangay ng lalawigan.

Ang Hacienda Luisita at Central Azucarera de Tarlac ay nabili ni Jose Cojuangco Sr. (hindi kasama ang mga kapatid niya, kabilang na si Eduardo na tatay ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr.) noong 1958 mula sa Compania General de Tabacos de Filipinas, o Tabacalera.

Nabili ng Tabacalera ang asyenda sa hari ng Espanya noong 1882.

Noong panahong sakop ng Kastila ang Pilipinas, idineklara ng Hari ng Espanya na pag-aari niya ang buong Pilipinas.

Nangutang ng $2.1 Milyon sa Manufacturer’s Trust Company sa New York at P5.9 Milyon sa Government Service Insurance System (GSIS) si Cojuangco upang mabili ang nasabing mga lupain.

Pinautang naman ng pamahalaan si Cojuangco gayong walang sapat na batayan si Cojuangco noon na siya ay mayroong kapasidad na mabayaran ang utang.

Ang naging “broker” upang makautang si Cojuangco Sr. at mabili ang malawak na lupain ay si Benigno Aquino Jr., asawa ni Corazon Cojuangco na anak ni Jose Cojuangco Sr.

Ang naging ‘tulay’ ni Aquino upang pautangin si Cojuangco ay si Pangulong Ramon Magsaysay na ninong nina Ninoy at Corazon sa kasal.

Kaya, masasabingg isang oligarkiya si Cojuangco Sr. dahil laway at koneksiyon ang tanging puhunan niya upang magkamal ng napakalawak na lupaing sumasakop sa pitong barangay sa Tarlac.

Napasakamay ni Cojuangco ang malawak na lupain noong 1958.

Itinayo ni Cojuangco ang TADECO upang pamahalaan ang Hacienda Luisita at Azucarera.

Si Ninoy Aquino ang unang administrador ng asyenda.

Sa pagbabasura sa apila ng TADECO, kinatigan ng DAR ang posisyon ng Alyansa ng Manggagawang Bukid ng Asyenda Luisita (AMBALA), ang samahan ng mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita, na ligal nilang karapatan na mag-ari ng lupa sa  asyenda alinsunod sa itinakda ng repormang agraryo ng bansa.

Ang repormang agraaryong binabanggit ay ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) naa nagsimula pa noong 1987 kung saan si Corazon Cojuangco Aquino ang pangulo ng bansa.

Ipinaliwanag ni Mariano na ang 358.22 ektaryang lupa  na ipinoprotesta ng TADECO ay hindi kasama sa 4,915 ektaryang Hacienda Luisita na denisisyunan na ng Korte Suprema.

Sinabi pa ni Mariano na pinapanatili nito ang validity ng publication ng Notices of Coverage ng walong bahagi ng lupa na kinabibilangan ng mga sertipikong may mga numerong T-400301, T-231174,  T-231166, T-231183, T-231164, T-408282, T-408283 at T-408279.

Inutusan din ng kalihim ang Provincial Office ng DAR sa Tarlac na agad ipatupad ang kumpletong pagkuha at pamamahagi ng lupa sa naturang pinag-uusapang lupain para maipatupad ang Seksiyon 30 ng Republic Act No. 9700.

Idiniin naman ni Usec. Luis Menrado C. Pangulayan na pinal na  ang desiyon ng DAR, kaya wala na silang tatanggapin na anumang apila ng TADECO.

“Ang kalihim ay nagdesisyon na tungkol sa pang-deny sa motion ng TADECO,” tugon ni Pangulayan.

Ayon kay Mariano, tanging Temporary Restraining Order (TRO) mula sa Korte Suprema ang makapipigil sa implementasyon ng desisyon ng DAR.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like