Gyera Laban sa Droga, ‘Abre-Lata’ sa Inuuod na Sistema

 

prison-2Ni: Marites Badilla

 

ANG seryosong kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyong Duterte ay nagmistulang ‘abre-lata’ na nagbukas sa napakaraming kabulukang animoy inuuod na sistemang pangkatarungan sa Pilipinas.

Una, napakaraming drug dealer, drug pusher, at gumagamit ng ipinagbabawal na gamot na umaabot sa 98 porsyentong bahagi ng bansa, ngunit hindi nahuhuli ng mga awtoridad.

Ito’y dahil marami sa mga pulis ang sangkot sa iligal na droga bilang protektor, nagbebenta ng shabu, at gumagamit din ng bawal na gamot.

Ayon sa rekord mismo ng Philippine National Police (PNP), nasa 12,000 pulis ang iniimbestigahan ng internal division ng PNP na sangkot sa iligal droga sa iba’t ibang paraan at porma.

Halimbawa, mahigit 70 pulis ng Quezon City Police District Office (QCPD) na nakadestino sa labindalawang police station ng komand ay pasok sa iligal na droga, ngunit pinabayaan lamang ng mga naging hepe ng QCPD.

Kahit nga ang District Anti-Illegal Drug (DAID) ng QCPD dati ay sangkot lahat sa bawal na gamot—kaya sa halip na gampanan ang trabaho nito laban sa iligal na droga ay naging protektor ito.

Ang masahol, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, limang heneral sa PNP ay pawang mga protektor ng sindikato ng iligal na droga.

Dalawa sa kanila ay retirado na serbisyo at tatlo naman ang iniimbestigahan ng National Police Commission (Napolcom).

Isa sa retirado ay nahalal na alkalde ng isang munisipalidad sa lalawigan ng Cebu nitong nakalipas na halalan.

Ang limang ito ay inuugnay sa natalong kandidato sa pagkapangulo ng bansa nitong nakalipas na halalan.

Bukod sa mga heneral at pulis, pati ang mga judge, gobernador, alkalde, bise-alkalde ay sangkot din sa iligal a droga.

Ang New Bilibid Prison (NBP) na ang dahilan kung bakit itinayo ay malayang-malaya na nakapagnenegosyo ng shabu at nakapagpapatakbo ng  sindikato ng droga ang ilang bantog na mga drug lord tulad nina Peter Co, Herbert Colanggo, Jaybee Sebastian, ay iba pa.

Ang mga tulad ng tatlo ay habang-buhay nang mabibilanggo sa NBP dahil sa bigat ng krimeng nagawa.

Labas sa NBP na pinatatakbo ng Bureau of Corrections (BuCor), may bilangguan (city at municipal jails) sa bansa na hawak naman Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sa mga bilangguang ito ay napakaming nakakulong na hanggang ngayon ay nililitis pa ng korte ang kanilang mga kaso. prison-3

Ibig sabihin, wala pang pinal na desisiyon, kaya napakaraming nakakulong sa mga city at municipal jails.

Lalo itong dumagsa dahil naghain ng mga kaso sa korte ang mga pulis kaugnay sa ipinagbabawal na gamot, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for public safety Jesus Hinlo.

Sa kabuuang bilang ng mga nakakulong, halos 65% ay may kaugnayan sa iligal na droga, banggit ni Hinlo.

Ang pagbubunyag na ito ay nangangahulugan lamang na nakapakabagal ng paggulong ng pangkatarungang sistema sa Pilipinas.

Isa sa mga dahilan ay palaging nagrereset ng iskedyul ng pagdinig sa mga kaso na ang pagitan ng orihinal na iskedyul at bagong iskedyul ay isang buwan, o higit pa.

Ibinunyag din ni Hinlo na kulang na kulang na ang jailguard dahil sa halip na isang guwardiya ang bantay sa 10 bilanggo alinsunod sa internasyonal istandard, naging 1 kada 50 bilanggo na ngayon, o higit pa.

Ang masama pa, ginagamit pa rin hanggang ngayon ang sistemang bartolina bilang pagdidisiplina sa bilanggong nakagawa ng pagkakamali.

Halimbawa, ang nakipag-away na bilanggo ay ikinukulong sa bartolina ng ilang araw bilang parusa sa kanya—hindi kakain nang tama at hindi makakahalubilo sa kapwa bilanggo nang ilang araw.

Ang sistemang ito ay nakabatay sa batas para sa mga bilanggo na noon pang 1917 ginagamit ng bansa.

Sana, ang kampanya kontra iligal na droga ng administrasyong Duterte ay maging mitsa ng pagbabagong makabuluhan at nakaugnay sa konkretong kalagayan upang hindi masayang ang napakagandang oportunidad tungo sa pagbabago ng pangkatarungang sistema sa Pilipinas.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like