Gobyernong Duterte, Pagagandahin ang Buhay ng mga Mahihirap

Tiniyak ng administrasyong Duterte na walang gagawin ito kundi iangat ang buhay ng mga mahihirap simula ngayong taon hanggang 2022.

Idiniin ito ng magiging Secretary of Department of Finance (DOF) ng baggong administrasyon na si Sonny Dominguez sa harapan ng tinatayang 300 negosyanteng dumalo sa Davao Summit ngayong Lunes sa Lungsod ng Davao.

Ang Davao Summit ay ipinatawag ng kampo ni incoming President Rodrigo Duterte upang maipaliwanag sa mga negosyante ang adyenda ng bagong administrasyon sa loob ng anim na taon.

Ang naturang pulong ng mga negosyante ay kauna-unahan na hindi sa Metro Manila inilunsad.

Sabi ni Dominguez, lalakihan ng pamahalaan ni Duterte ang paggastos sa mga proyekto kumpara sa kabuuang ginastos ng administrasyong Aquino nitong nakalipas na anim na taon kung saan ang pangunahing pakay ay iangat ang buhay ng milyun-milyong Pilipino na pawang matagal nang nalulunod sa ilalim ng guhit ng kahirapan.

Ang guhit ng kahirapan ay pumapatungkol sa linya ng antas ng kahirapan.

Kung ang mamamayan ay nasa ilalim ng linyang ito nabubuhay, nangangahulugang ubod sila ng hirap.

Ang paggastos sa mga proyekto tulad ng imprastraktura ay pinaniniwalaan ng mga ekonomista at mga negosyante na “susi” sa pagsulong at pag-unlad ng ekonomiyang nakabase sa mga mamimili tulad ng Pilipinas.

Ibig sabihin, umuusad ang ekonomiya dahil mayroong naglalabas ng pera upang gumastos at bumili ng iba’t ibang produkto.

Ngunit, idiniin ni Dominguez na bagamat iniisip ng administrasyong Duterte ang mga mahihirap, kakamping-kakampi pa rin ito ng mga negosyante (ang mga mayayaman sa bansa).

Ibig sabihin, hindi makikipag-away si Duterte sa mga negosyante.

Inamin din ng kalihim sa parehong pulong na lalakihan ng pamahalaan ang badyet sa edukasyon, agrikultura, at pampublikong kalusugan upang umangat din ang mga sektor na ito.

Hindi ibinigay ng kalihim ang eksaktong numero.

Ibaba naman ang buwis sa mga korporasyon at manggagawa, ngunit lalawakan ang base ng mga taxpayer upang tumaas ang kita ng pamahalaan, patuloy ni Dominguez.

Pinag-aaralan din ng economic team ni Duterte kung itutuloy ang mungkahi ng administrasyong Aquino na itaas ang expanded value added tax (EVAT) upang mapataas ang pondo ng pamahalaan, dagdag ng opisyal. (Tapat)

You May Also Like