Gobyerno ‘di malinaw ang solusyon sa maternal deaths

MANILA — Taliwas sa paniniwala ng Department of Health (DOH) hinggil sa diumano’y solusyon sa pagtaas ng mga nangangamatay na buntis, ayon kay CBCP-Episcopal Commission on Health Care executive secretary Fr. Dan Cancino, hindi sagot ang RH Law upang matugunan ang pangangailan ng mga kababaihan sa bansa.
Pinabulaanan din ng pari na tila wala sa pokus ang gobyerno hinggil sa pagresolba sa paglobo ng nangangamatay na kababaihan na nakatuon lamang sa pagbili ng pildoras upang mapigilan ang pagbubuntis.

Ani Fr. Cancino, “Kung titignan natin ‘yung hakbangin ng ating gobyerno tungkol sa Reproductive Health ay mas makabubuti kung gagamit tayo ng mga artificial family planning method? Kung ‘yun lang ang pagbabatayan natin parang nawawala tayo sa pokus.”

Ayon kay Fr. Cancino, totoong malaki ang pangangailangan ng bansa sa serbisyong medikal, lalo na sa mga nagdadalang-tao, ngunit walang maitutulong ang pagpapatupad ng RH Law.

Nilinaw ni Fr. Cancino na ang artificial family planning ay hindi solusyon para mapangalagaan ang ating mga kababaihan at hindi ito umuugnay sa tunay na kahulugan ng reproductive health na ang dapat sana ay pagtuunan ang kalusugan at serbisyong pangkalusugan ng mga kababaihan.

Lininaw ni Fr. Cancino, ang tunay na panga-ngailangan ng mga buntis ang dapat pagtuunan ng pansin gaya ng serbisyong pangkalusugan, pasilidad at access sa mga pasilidad para sa mga buntis upang maiwasan ang pagkamatay, hindi ang pagtuon sa pag-iwas sa pagbubuntis gaya ng ipinapanukala ng RH Law.

“Sa ating bansa napakataas pa din nung maternal mortality rate, ibig sabihin noon, hindi talaga natutugunan ang mga pangangailangan ng mga kababaihan lalong-lalo na ang mga pangangailangan ng mga kababaihan na nanganganak. Marami pa rin sa ating mga kababayan ang namamatay na lamang dahil kulang ang accessibility at availability ng mga health care services para sa mga kababaihan. Pangalawa, kulang ang adbokasiya ng mga local government unit para paigtingin o palalimin ‘yung programang pangkalusugan para sa mga nanay o mga babae,” ani Fr. Cancino.

Ginugunita ngayong buwan ng Marso ang International Women’s Month o ang buwan ng mga kababaihan.

You May Also Like