Gobernador, 4 pa, idiniin sa multi-milyong proyekto

 

 

 Ni: Joel O. Amongo
 
HINDI nakalusot sa Office of the Ombudsman si Zamboanga Del Sur Governor Aurora Cerilles at apat na miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) dahil malakas ang ebidensiya laban sa kanila kaugnay sa proyektong P14.9 Milyong halaga ng 40 sets ng solar lights noong 2008.
 
Bukod kay Cerilles, ang apat na iba pang sangkot sa kasong korapsyon ay sina Dr. Rino Soria, Atty. Mark Anthony Padayhag, Wenefreda Canada, at Evelyn Pununcialman.
 
Ang pagbili ng solar lights ay naganap noong 2008, ayon sa rekord ng Office of the Ombudsman.
 
Nakasaad din sa rekord ng Ombudsman, inaprubahan ni  Cerilles at ng apat na opisyal ang pagbili ng solar lights para sa munisipalidad ng Dumalinao nang hindi dumaan sa public bidding.
 
Ang pondong ginamit sa nasabing proyekto ay galing sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Rep. Antonio Cerilles, saad pa rin ng Ombudsman.
 
Ganito rin ang punto ng Commission on Audit (COA).
 
Idiniin sa rekord ng COA, walang naganap na public bidding ang nasabing proyekto ni Gov. Cerilles.
 
Direktang kontrata ang ginawa ng kampo ni Gov. Cerilles, banggit ng COA.
 
Mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas na gumawa ng proyekto ang sinumang opisyal ng pamahalaan, kabilang na ang mga halal, nang hindi dumadaan sa public bidding.
 
Ang public bidding ay pamamaraan ng pamahalaan upang maiwasan, o masawata ang korapsiyon sa gobyerno.
 
Kumbinsido si Ombudsman Conchita Carpio Morales na malakas ang ebidensiya ng kasong kriminal laban kina Cerilles, Soria, Padayhag, Canada, at Pununcialman na iaakyat sa Sandiganbayan.

You May Also Like