GM Wesley So unang Pinoy na naabot ang 2700 Elo rating

story 4-Wesley Barbasa SoGumawa ng kasaysayan sa chess ang Filipino Grandmaster na si Wesley So noong isang linggo.

Ang 19-taong-gulang na si So ang naging unang Pilipino na naabot ang Elo rating na 2700. Ito ay matapos na makaiskor ng 8.0 puntos si So sa 10-round 28th Reykjavik Open chess championship na nilahukan ng 227 manlalaro kabilang ang 34 iba pang Grandmasters.

Nagtapos si GM So na katabla sa unang puwesto sina GM  Pavel Eljanov ng Ukraine at GM Bassem Amin ng Egypt. Ngunit opisyal na nakuha ni Eljanov ang kampeonato bunga ng mas mataas na tie-break points. Pumangalawa naman si GM So at pumangatlo si GM Amin.

Gayunman, pinaghatian pa rin ng tatlo ang pinagsamang premyo para sa first, second at third place ng torneyo.

Sa umpisa ng torneyo ay tangan ni GM So ang Elo rating na 2684 ngunit dahil sa maganda niyang ipinakita sa torneyo ay umakyat sa 2701 ang kanyang rating, ayon sa talaan ng FIDE, ang world governing body ng chess.

Ang iba pang nagtapos sa Top 11 ay sina (ayon sa pagkakasunod) GM Anish Giri ng The Netherlands,  GM Ivan Cheparinov ng Bulgaria, International Master Wei Yi ng China, GM Marcin Dziuba ng Poland, GM Ding Liren ng China, NM Yaacov Norowitz ng USA, GM Gawain Jones ng England, at GM Ivan Sokolov ng The Netherlands.

Pinaghahandaan na ngayon ni GM So ang paglahok niya sa 2013 World Chess Cup na gaganapin mula Agosto 10 hanggang Setyembre 5 sa Tromso, Norway. Tanging sina GM So at GM Oliver Barbosa pa lamang ang nakapag-qualify sa 2013 World Chess Cup.

You May Also Like