Gloria at Mike abot tenga ang ligaya

 

 

Ni: Bernard Badilla-Toledo
HINDI maipagkakailang abot tenga ang ngiti ni Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo at asawa niyang si Miguel “Mike” Arroyo, sapagkat pinayagan sila ng Sandiganbayan na magliwaliw sa ibang bansa kahit hindi nila inilagay sa kanilang sulat sa nabanggit na korte kung bakit sila aalis ng Pilipinas.
 
Pinayagan ngayong Miyekules ng ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan ang kahilingan ng mag-asawa na magtungo sa Munich, Germany, Paris, France, at Hongkong sa magkahiwalay na petsa.
Si Gng. Arroyo ay pinayagan ng Korte Suprema na makapagpiyansa hinggil sa kasong pandarambong na kanyang kinakaharap sa Sandiganbayan, dahil mahina umano ang ebidensiya ng nasabing kaso.
Dahil sa desisyon, natapos ang apat na taong ‘hospital arrest’ ni Arroyo.
Nakulong sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City simula 2012.
    
Si Mike ay pinayagang umalis ng Pilipinas sa Setyembre 10, samantalang ang dating Pangulo ay sa Setyembre 19 pa maaaring makalabas ng bansa.
Kailangan bumalik ng mga Arroyo sa Pilipinas sa Oktubre 3.
Pinayagan din ng ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan ang dalawa na pumunta sa Hongkong sa Oktubre 29 at dapat na sila’y bumalik sa Nobyembre 4, 2016.
Ang kondisyon ng korte sa mag-asawa ay kailangan bawat isa sa kanila ay magdeposito ng P90,000.00 bilang “travel bond” upang makatiyak na sila ay tapat na tutupad sa mga itinakda ng ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan sa kanilang mga kondisyon sa paglalakbay sa ibang bansa.
Idiniin din ng korte na tiyakin lamang ng mga Arroyo na ang pupuntahan lamang nilang mga lugar ay ang mga nabanggit sa kanilang liham sa korte.
Inatasan din ang mag-asawa na pumunta ng personal sa clerk of court ng ika-4 na dibisyon ng Sandiganbayan dala ang kanilang travel document, limang araw makaraang makabalik sila dito sa Pilipinas.
Ipinaalala ng Sandiganbayan sa kanila na sila ay aasuntuhin ng contempt of court kapag hindi sila bumalik ng bansa ayon sa mga petsang itinakda ng korte.

You May Also Like