Ginebra masusubukan kontra Alaska

story 1-PBAPatuloy na umaangat ang Barangay Ginebra San Miguel sa Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.

Noong Linggo ay naungusan ng Gin Kings ang Meralco Bolts, 91-90. Sa larong iyon, tumira ng lay-up ang import ng Ginebra na si Vernon Macklin, 7.9 segundo na lang ang natitira sa laro para ibigay sa koponan ang ikaanim na diretsong panalo na siyang pinakamahabang winning streak ng torneyo.

Sa Miyerkules ay makakasagupa ng Ginebra ang Alaska Milk na siya namang nangungunang koponan sa conference na ito.
Patuloy na sasandal si Ginebra coach Alfrancis Chua kina Mac Baracael, LA Tenorio, Rudy Hatfield, Robert Labagala, Chris Ellis at kay Macklin.

Makakasagupa nila ang tropa ni Alaska coach Luigi Trillo na pinangungunahan nina Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva, Dondon Hontiveros, Gabe Espinas at import na si Robert Dozier, ang top rebounder ng liga na may average na 17 rebounds per game.

Sa isa pang laro sa Miyerkules ay magtutuos ang SanMig Coffee at ang dumadausdos na Air21 Express.

Noong isang linggo ay humugot ng importanteng panalo ang nagdedepensang kampeong SanMig Coffee nang biguin nito ang Talk ‘N Text, 83-82, ang koponan na kanila ring tinalo sa finals ng torneyong ito noong isang taon.

Kasalukuyang magkatabla sa ikalimang puwesto ang SanMig Coffee, Talk ‘N Text at Meralco na pawang may 6-6 baraha.
Ang Express naman ay galing sa dalawang dikit na kabiguan kontra Ginebra (90-84) at Rain or Shine (94-83). Bagaman kasalukuyan silang nasa ikawalong puwesto ay nanaisin nitong manalo kontra Mixers para huwag mahulog sa top 8 at makausad sa quarterfinal round.

You May Also Like