Ganoon nga ba?

 

melo

Maraming salamat po. Nagpapasalamat po ako sa paanyayang sumulat sa pahayagang ito. Ang napili ko pong pamagat ay Tabi po… ang kinagawiang pagbati kung naglalakad sa ilang ang nangangambang baka makatapak ng mga ‘di nakikitang nuno sa punso at iba pang mga lamang lupa.

 

* * *
Kamakailan po ay nakinig ako ng mga talumpati at talakayan sa ikalawang anibersaryo ng Arangkada Philippine Forum na may temang “Realize the Potential!” na tila ba nagsasabing sige pa, bilisan mo pa upang umabot ang bansa at mga mamamayan sa mga kalapit-bansa sa timog-silangang Asia.
Sa likod ng mga balitang natamo ng Pilipinas ang 6.6% na kaunlaran sa Gross Domestic Product noong nakalipas na taon, napuna ng mga taga Joint Foreign Chambers of Commerce in the Philippines na mataas pa rin ang bilang ng mahihirap sa bansa. Hindi na ito nabawasan, nadagdagan pa ‘di tulad ng mga kalapit bansa.
Sa kanilang pananaw, ang pangmatagalan at malawakang kaunlaran ang siyang susugpo sa kahirapan tulad ng Singapore, Korea, Thailand at Malaysia. Napuna rin nila na ang Indonesia ay may lumalagong middle class.

 

* * *
Nabanggit nga pala ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. na umaasa silang makapagbibili ng 200,000 bagong sasakyan ngayong 2013. Higit sa 100,000 ang kanilang naipagbili noong 2012. Subalit sa Indonesia ay umabot sa 1 milyon ang bilang ng mga sasakyang naipagbili. Kung isasama ang mga sasakyang dumaan sa Subic at Cagayan, lalabas na mas maraming segunda-manong sasakyan ang binili ng mga Pilipino.
Kailan na lang ba dumating ang mga bagong sasakyan sa Cagayan? Bago pa naluklok si ngayo’y dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay pumasok na ang mga reject sa ibang bansa na naipagbili sa murang halaga.
* * *
Ano kayang kahihinatnan ng mga taga-sunod ng Sultan ng Sulu? Matapos magkaroon ng sampung nasawi at ilang mga sugatan, kasama na rin ang mga nadakip, may haharapin pang usapin ang makababalik sa Pilipinas.
Sa aking pagkaka-alam, matagal nang nagbabayad ng upa ang Malaysia sa mga tagapagmana ng Sultan ng Sulu sa halagang

P77,000.00 taun-taon. Ibinigay ito ng Sultan ng Borneo sa Sultan ng Sulu bilang pasasalamat sa tulong na ipinarating sa mga taga-Borneo.
Sa aking pakikinig kay Prop. Clarita Carlos ng University of the Philippines, sinabi niyang noong mangako si Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962 na tutulungan ang tagapagmana ng Sultan ng Sulu, ginawa niya ito sa ngalan ng Republika ng Pilipinas at hindi basta lamang pangako ng sinuman.
Hindi na maibabalik pa ang buhay ng mga nasawi. Iwasan na lamang sana ng magkabilang-panig na magkaroon ng anumang sagupaan at hindi makatutulong sa magkabilang-panig.

Nawa’y magkaroon ng kalutasan ang alinmang sigalot sa pagitan ng mga taga-Malaysia at mga kabilang sa Sultanate of Sulu.

 

* * *
Mayroong nagtatanong kung ano raw ang hinahanap ko sa mga kandidato sa pagka-senador sa darating na Mayo 13, 2013. Ang sabi ko ay naghahanap ako ng mga taong may potensyal na maging leader. Karamihan kasi nang nahahalal ay mga dealer kaya hindi umuusad ang ating bansa.
Hanggang sa uulitin. Sa inyong reaksyon at mga mensahe, ipadala po sa acunamelo@gmail.com.
Maraming salamat po!

 

You May Also Like