Game 1 ng Finals nasungkit ng Alaska kontra San Miguel

Jan Christian Gonzales

Sa simula ng 2015-2016 PBA Philippine Cup Finals, muling nagtagpo ang magkatungali noong isang taon na Alaska Aces at San Miguel, kung saan inuwi ng Beermen ang korona.

Sa pagbubukas ng kanilang serye, gumamit ang Aces ng 34-16 fourth quarter upang burahin ang 12-point na lamang na binuo ng San Miguel sa simula ng yugto na nagdala sa Game One na panalo.

Nagtala si Vic Manuel ng 24 puntos, 14 nito ay nakamit sa huling yugto. Dinagdagan niya ito ng limang rebounds at 10/15 shooting mula sa bench. Nabuhat ng 75 bench points ang Alaska laban sa San Miguel na hirap sa kanilang opensa lalo na sa huling quarter, kung saan tinapos ng Alaska ang laro sa 9-0 run.

Naglaro ang defending champs SMB na wala ang kanilang MVP na si June Mar Fajardo, na hindi nakapaglaro dahil sa left knee injury na kanyang nakuha sa kanilang huling laro nung semis kontra sa Rain or Shine Elasto Painters. Dahil dito, ramdam ng Beermen ang pagkawala ng kanilang prized big man, at hirap sila kontrolin ang laban sa loob.

Nakakuha ng 48 rebounds ang Alaska laban sa 28 lamang ng San Miguel. 20 sa mga nabingwit ng Aces ay mula sa offensive end na nagbigay sa kanilang kopunan ng 23 second chance points. Ang mga bata rin ni Coach Alex Compton ay umiskor ng 58 points sa loob, samantalang 34 lamang ang nagawa ng Beermen.

Nalimitahan ng depense ng Alaska ang San Miguel sa 16 fourth quarter points, malayo sa 33 puntos na natala ng Beermen sa third quarter kung saan lumayo ng bahagya at panandalian.

Dinala ni Cabagnot ang opensa ng San Miguel, kung saan tinapos niya ang gabi nang may 20 puntos at apat na assist.

Bago ang finals, agad na tinapos ng Alaska ang kanilang serye kontra GlobalPort Batang Pier sa limang laro. Sa kabilang serye, ang season naman ng Rain or Shine Elasto Painters ang tinuldukan ng SMB sa loob ng anim na laro.

Ang ikalawang laro ng serye ay magaganap sa Martes, 7pm sa Big Dome.

You May Also Like