FROM LEYTE WITH LOVE: A POLITICAL BREAKDOWN OF WHAT MAKES A MARTIN ROMUALDEZ (PART 2)

Gobyernong may puso at malasakit—iyan ang nais ni Martin Romualdez para sa bawat isang mamamayang Pilipino sakaling maluklok siya sa pwesto bilang senador sa darating na eleksyon. Dahil galing sa isang pamilya ng mga pulitiko at sa kanyang magandang track record bilang isang public servant, ang paglilingkod sa bayan at serbisyong-publiko ay hindi na bago para kay Martin, at higit pa ito sa isang trabaho para sa kanya dahil itinuturing niya ang paglilingkod bilang isang bokasyon na nangangailangan ng taos-pusong debosyon at dedikasyon.

Sa kagustuhang mapanumbalik ang pagiging malasakit bilang isang katangian na dapat mayroon ang mga susunod na mamumuno sa bayan, itinuon ni Martin ang kanyang pansin sa pagsusulong ng mga batas na tutulong sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda, mga nasa youth sector, at mga persons with disabilities (PWDs). At bilang pauna sa mga napakarami pang tagumpay na matatamasa niya sakaling mahalal bilang senador, kamakailan lamang ay pinirmahan na ni Pangulong Aquino at inaprubahan ang isinumite ni Martin na House Bill No. 1039 na siyang may-akda at ngayo’y naisabatas na at kinikilala na bilang Republic Act 10754 o An Act Expanding The Benefits and Privileges of Persons With Disabilities. Itinuturing ni Martin ang batas na ito bilang isang “equalizing measure” kung saan matatamasa rin ng mga kababayan nating PWDs ang mga benepisyong mayroon ang mga senior citizens dito sa bansa. Sa pagkakapasa ng batas na ito, inaasahang 1.5 milyong Pilipinong PWDs na naitala ng Philippine Statistics Office ang matutulungan nito.

Nasasaad sa R.A. 10754 na magkakaroon ng kaukulang 20% na diskwento ang mga PWDs sa mga serbisyong medical at dental; pagbili ng mga gamot sa mga pangunahing botika; pamasahe sa mga pampublikong sasakyan; mga sinehan at iba pang lugar para sa recreation and amusement; mga serbisyo sa mga hotel at ibang lodging establishments; at mga restaurants at fast food chains. Dagdag pa rito, hindi na rin maoobligang magbayad ng 12% value-added tax ang ating mga kababayang PWDs, kagaya ng pribilehiyong nararanasan ng mga senior citizens.

Naniniwala si Martin na ang pagkakapasa ng kanyang H.B. 1039 ay isang magandang indikasyon ng pagbabago sa mentalidad ng mga Pilipino tungo sa mga kababayan nating may kapansanan—na kaya pa rin nilang maging produktibong mga mamamayan ng bansang ito sa kabila ng kanilang kalagayan at hindi makatarungang itrato sila bilang mga pabigat sa lipunan na walang pakinabang. Layon ni Martin na sa pamamagitan ng batas na ito ay lumakas ang loob ng ating mga PWDs at manumbalik muli ang kanilang tiwala sa kanilang mga sarili.

Nguni’t hindi lamang iyan ang patunay ng gobyernong may malasakit ni Martin Romualdez dahil hindi lamang ang mga PWDs ang malapit sa puso niya, kundi pati ang mga senior citizens kaya naman kung papalaring manalo ay ipinapangako niyang ipagpapatuloy ang laban para madagdagan ang pensyong natatanggap ng milyun-milyong mga senior citizens na benepisyaryo ng Social Security System (SSS). Nanindigan si Martin na gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya, kasama pa ang ibang kapwa niya kongresista, upang mapawalang-bisa ang ipinataw na veto ni Pangulong Aquino sa panukalang dagdagan ng P2,000.00 ang pensyon ng mga senior citizens sa bansa. Ayon kay Martin, lagi pa ring dapat manaig ang pagmamalasakit sa paninilbihan.

Hinimok din ni Martin ang administrasyong Aquino na ipakita nila ang kanilang malasakit sa milyun-milyong manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagsasabatas ng isinulat niyang House Bill No. 6268 o ang Salary Standardization Law of 2015 na naglalayong magkaroon ng umento sa sahod ang 1.53 milyong empleyadong nasa gobyerno. Kaalinsabay rin nito ang hiling ni Martin na mababaang ang personal income tax ng bawat indibidwal.

Nang tanungin kung ano ang nagtulak sa kanya para tumakbo bilang senador, dali-daling isinagot ni Martin na ang kanyang mga kapwa Leyteño na hinagupit ni Supertyphoon Yolanda ang naging inspirasyon niya sa karera niyang ito sa senado. Nang makita kung gaano kalaking dagok ang idinulot ni Yolanda sa mga kababayan niya, nagbago ang mga pananaw ni Martin sa buhay at naging daan ito upang mas paigtingin pa niya ang pagpaparamdam sa mga Leyteño na may tunay pang nagmamalasakit sa kanila.

Kaya naman sa nakaraang The Leader I Want forum na isinagawa ng Rappler para sa mga senatorial candidates, isinama ni Martin sa mga plataporma niya ang pagpapalawig sa paggamit ng agham at teknolohiya para sa mga rescue and relief operations sa paahon ng kalamidad at sakuna. Napagtanto niya ang napakalaking potensyal ng siyensiya at ang kahalagahan nito noong ilang linggong mawalan ng kuryente sa Leyte matapos ang pananalanta ni Yolanda at kung gaano kahirap mawalan ng komunikasyon na siyang pinakakailangan noong mga panahong iyon upang makahingi ng tulong. Kung mananalo, isa sa mga gagawing prayoridad ni Martin ang paggamit sa agham at teknolohiya upang solusyunan ang napakaraming pasakit sa mga Pilipino, kagaya ng palagiang mabigat na daloy ng trapiko at palpak na sistema ng transportasyon, at upang mapabuti ang estado ng buhay ng bawat isa sa atin. (Carizza Ibañez)

You May Also Like