Franz Sabalones state witness na?!

 

 

Ng: Tapat News Team (TMT)
 
MUKHANG gagawing testigo ng pamahalaan ang numerong drug lord ng Central Visayas na si Franz Sabalones.
 
Si Sabalones na naka-base sa Cebu ay sumuko nitong Linggo kay Director General Ronald “Bato” Dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ilang oras na tukuyin siya ni Pangulong Rodrigo R. Duterte mismo na sangkot sa iligal na negosyo ng shabu.
 
Sabi ni Chief Supt. Roel Obusan, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), maraming ikinantang pulitiko at opisyal ng PNP sa Central Visayas Region si Sabalones.
 
Ani Obusan, “best source” at posibleng maging testigo ng pamahalaan si Sabalones dahil siya mismo ang mga nakakaalam sa antas ng pagkakasangkot ng mga pulitiko at opisyal ng PNP sa larga ng shabu sa nasasakupan ni Sabalunes.
 
Sabi ni Dela Rosa nitong Lunes, si Sabalones ang pumalit kay Jeffrey “Jaguar” Diaz makaraang mapatay ito ng mga alagad ng batas sa Las Pinas nitong Hunyo.
 
Bago mamatay si Diaz, ikalawa lamang si Sabalones kay Diaz, banggit ni Dela Rosa.
 
Pero, noong nabubuhay pa si Diaz, humiwalay na si Sabalones kay Diaz dahil gusto nitong kumita ng mas malaki pa kaysa kay Diaz siya kukuha ng shabu, patuloy ni Dela Rosa nitong Lunes (basahin din ang hiwalay na istorya ng Tapat News hinggil kay Sabalones upang malaman n’yo kung saan kumukuha ng shabu si Sabalones).
 
Si Sabalones ay nasa kustodiya ng CIDG habang patuloy siyang ‘pinakakanta,’ banggit ni Obusan.
 
Gusto naman umano si Sabalones na sa CIDG muna siya manatili kaysa lumabas pa ng Kampo Crame, dahil baka ipatumba siya ng mga pulitiko at mga opisyal ng PNP na kanyang ibinunyag.
 
Bagamat, hindi pa inilalabas ng CIDG ang kanilang mga pangalan, ramdam ni Sabalones na alam na alam ng mga naturang pulitiko at opisyal ng PNP na ibinisto na sila ni Sabalones.
 
Wala namang binabanggit pa si Obusan kung ang kapatid ni Sabalones na si San Rafael, Cebu Vice-Mayor Frals Sabalones ay isa sa mga protektor ng nasabing hari ng shabu sa Central Visayas.
 
Matatandaan mariing itinanggi ni Frals nitong Lunes na sangkot siya sa negosyo ng shabu sa Central Visayas Region.
 
Ang alam ni Frals ay ang kuya niya ang drug lord, kaya itinuro rin niya si Franz.

You May Also Like