Fr. Reyes, Todo-Suporta sa 3 ‘Narco Generals’

Ni: Joel O. Amongo

“HINDI dapat trial by publicity ang pairalin.”

Ito ang tugon ni ‘running priest’ Fr. Robert Reyes sa pagkakadikdik nina Director Joel Pagdilao, Chief Supt. Edgardo Tinio, at Chief Supt. Bernardo Diaz bilang mga protektor ng mga sindikato ng droga.

Sina Pagdilao, Tinio, at Diaz ay mga aktibong opisyal sa Philippine National Police (PNP).

Dating hepe ng PNP sa Metro Manila si Pagdilao, PNP Quezon City naman ang dating hawak ni Tinio, at PNP-Visayas ang pinamumunuan ni Diaz bago sibakin.

Ngunit, nang magkaroon ng malawakang balasahan sa PNP si Director-General Ronald “Bato” dela Rosa, hindi binigyan ng puwesto ang tatlo dahil nga nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagiging protektor umano niya sa mga sindikato ng droga.

Ang dalawa pang retiradong heneral na tinumbok ni Duterte na protektor din ng sindikato ng droga ay sina dating Deputy Director-General Marcelo Garbo at Chief Supt. Vicente Loot.

Iniimbistigahan na ng National Police Commission (Napolcom) sa pamumuno ni Interior and Local Government Secretary Ismael “Mike” Sueno sina Pagdilao, Tinio, at Diaz.

Kinukuha na ng Napolcom ang lahat ng impormasyon laban sa tatlo mula sa intelligence community.

Isang buwan ang itatakbo ng imbestigasyon, tugon ni Sueno.

Ang Department of Justice (DOJ) naman ang bahala sa kasong kriminal laban kina Garbo at Loot.

DOJ na ang may hawak sa dalawa, sapagkat sila ay pawang mga retiradong opiyal na.

Idiniin ni Reyes sa media na dapat naglunsad na muna ng malalimang imbestigasyon bago isinapubliko ni Duterte ang pagkakadikit nina Pagdilao, Tinio, at Diaz sa droga upang hindi magmukhang trial by publicity.

Nanindigan naman si Dela Rosa na matibay ang ebidensiya ng Malakanyang laban sa lima, kabilang sina Garbo at Loot.

You May Also Like