Federalismo, Ipauuna ni Duterte sa Kongreso

HIGIT na mahalaga kay Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na gawing federal ang pampulitikang sistema ng pamahalaan kaysa manatili ito sa presidential.

Ito ang giit ng opisyal na taga-pagsalita ni Duterte na si Ernesto Abella nang tanungin siya ng media.

Ani Abella, tiyak na uunahin ng Pangulo na isertipika ang panukalang batas hinggil sa federalismo bilang prayoridad ng Kongreso.

Inaasahan namang kagyat na tutugon ang Kongreso, lalo na ang Kamara del Representantes, kung saan kadalasang nagsisimulang umarangkada ang panukalang batas.

Ang Kamara ay kontrolado ngayon ng PDP-Laban, sa pangunguna ni Kongresista Pantaleon Alvarez.

Si Alvarez na gusto ni Duterte na maging Speaker o pinuno ng Kamara sa ika-16 na Kongreso ng Pilipinas.

Inaasahan namang si Senador Aquilino Pimentel III, pangulo ng PDP-Laban, ang papalit kay Senador Franklin Drilon sa pagiging Presidente ng Senado.

 

 

Bagamat kabilang sa kalabang partido, ang Liberal Party (LP), hayagang sumuporta naman si Drilon sa kagustuhan ni Duterte na itransporma ang kasalukuyang presidential na porma ng pamahalaan sa sistemang federal.

Hangad ni Duterte na palitan na ang kasalukuyang sistemang pulitikal sa bansaa, sapagkat nakita at nakumbinsi siya na pinakamalaking bilang ng mayorya ng mga Pilipino sa bawat lalawigan ay nanatiling lugmok sa kahirapan at baon sa pagpapabaya ng pambansang pamahalaan.

Ito’y dahil kontrolado ng pambansang pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng mga lokalidad, lalo na sa larangan ng pondo, tugon dati ni Duterte.

Tahasang tinuligsa ni Atty. Christian Monsod ang paniniwala ng Pangulo dahil sa federalismo ay lalo lamang daw hihigpit at titibay ang kontrol ng iilang pamilya sa papulitikang kapangyarihan sa mga lokal na pamahalaan.

Sa halip na isulong ang federalismo, mas mainam na amiyendahan at palakasin ang batas sa lokal na pamamahala na halos 30-taon na ring umiiral, tugon ni Monsod.

Idiniin niya na mas mabuti kung mapapalakas ang lokal na pamamahala ng iba’t ibang panig ng bansa upang bigyan ng mas malakas na kapangyarihan ang mamamayan.

Ayon kay Abella, mas pabor si Duterte na isagawaa ang pagbabago ng Saligang-Batas upang maisakatuparan ang federalismo sa pamamagitan ng constitutional Convention (ConCon) kaysa Consultative Assembly (ConAss), sapagkat direktang halal ng mamamayan ang magpapahayag at magpapaliwanag hinggil sa mga inaasahang pagbabago kung ang una ang gagamitin kaysa sa huli.

Sa huli kasi, konsultasyon ang esensiya nito, tugon ni Abella.

Sa ilalim ng kasalukuyang Saligang-Batas, ang karamihan ng mga delegado sa ConCon ay halal ng mga botante, ngunit binigyan ng kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magtalaga ng 20 delegado na makakasama sa ConCon. (Tapat News Team)

You May Also Like