FAQ ON FOI: Tunay nga ba tayong malaya?

This is the fifth installment of Tapat New’s Independence Day series!

Kalayaan bang maituturing ang meron tayo, kung walang karapatan sa kaalaman?

Sa linggo ng pag-gunita sa Araw ng Kalayaan, patuloy ang pagtatanong ng bawat mamamayan patungkol sa antas ng kalayaan na kanilang tinatamasa. Gayunpaman, hindi natin tuluyang makakamit ang ganap na kalayaan kung wala tayong kalayaang makaalam.

Ang Freedom of Information bill o FOI ay isang panukalang batas na naglalayong bigyang karapatan ang mga mamamayan na magkaroon ng access sa mga dokumento at impormasyong hawak ng pamahalaan.

Ano ang mga bagay na dapat mong malaman sa panukalang batas na ito?
  1. Ngayon pa lang, may karapatan ka nang makaalam ng impormasyong hawak ng pamahalaan.

Taong 1973 pa lamang, bahagi na ng Konstitusyon ng Pilipinas ang karapatang makaalam. Nakasaad sa Seksyon 6 ang karapatan ng mamamayan sa impormasyon na may kinalaman sa pampublikong mga usapin, tulad ng mga papeles, dokumento tungkol sa mga transaksyon ng pamahalaan.

Pinalawig pa ito sa Konstitusyon ng 1986 sa pagsasama ng mga research data ng pamahalaan na nagsilbing basehan ng isang batas. Bukod pa sa karapatang ito na nakasaad sa konstitusyon, marami na ring batas ang naipasa na umoobliga sa mga ahensya ng pamahalaan at mga opisyal nito na isapubliko ang mga impormasyon tulad ng RA 3019 o  Anti Graft and Corrupt Practices Act at ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na nagoobliga sa mga opisyal ng pamahalaan na itala ang kanilang mga ari-arian sa pamamagitan ng Statement of Assets, Liabilities, and Net worth o SALN.

Gayunpaman, sa kabila nito maraming mga kaso ng pagtanggi ng mga ahensya ng pamahalaan sa hiling ng mga mamamayan o ng midya para sa access sa mga impormasyon. Layunin ng Freedom of Information Act na bigyang linaw kung anong mga uri ng impormasyon ang maaari (o hindi maaaring) isapubliko.

  1. Matagal nang panukalang batas ang Freedom of Information ngunit hindi pa rin ito naipapasa

Unang naihain bilang panukalang batas ang Freedom of Information bill noong 1992 sa pangunguna ni Pangasinan Congressman Oscar Orbos. Makalipas ang labindalawang taon, nakapasa ang panukala sa ikatlong pagbasa ng kongreso at senado noong 2010, ngunit hindi naratipikahan ng kongreso sa huling sandali dahil sa kawalan ng korum.

Ipinangako ng Pangulong Aquino noong 2010 na magiging prayoridad ang pagpasa ng FOI bill. Gayunpaman, sa pagsasara ng sesyon ng senado at kongreso noong nakaraang linggo, bigo ang mga kongresista na ipasa ang nasabing batas. Noong 2012, naipasa ng senado ang sarili nitong bersyon ng FOI, na tinawag na People’s Ownership of Government Information o POGI Act of 2012.

  1. Hindi lahat ng impormasyon mula sa pamahalaan ay malalantad kapag naipatupad ang FOI bilang batas.

Nagsisilbing hadlang sa pagpasa ng FOI ang iba’t ibang ihinaharap na suliranin dito, tulad ng posibleng iresponsableng paggamit ng datos. Matatandaang kamakailan lamang ay naging biktima ng hacking incident ang Commission on Elections (Comelec) na nagdulot ng pagkalantad ng personal na impormasyon ng milyong botante.

Gayunpaman, hindi lahat ng impormasyong mula sa pamahalaan ay maisasapubliko. Sa katunayan, ang layunin ng FOI ay bigyang kategorya ang impormasyon upang maibukod ang mga sensitibo sa mga isasapubliko. Kabilang sa itinatakda ng draft na batas ang pagpapanatiling pribado ng sumusunod na mga datos at dokumento mula sa pamahalaan:

  • Mga impormasyong ipinag utos na manatiling pribado sa utos ng isang batas
  • Mga minutes na naglalaman ng abiso at opinyon ng punong ehekutibo na maaaring sensitibo
  • Impormasyon patungkol sa pambansang seguridad, panlabas na ugnayan, at iba pang kauri nito.
  • Mga draft na kautusan, resolusyon, memoranda, at desisyon ng mga ahensyang judicial at quasi-judicial
  • Impormasyong personal ng isang tao
  • Mga trade secrets, komersyal, at pinansiyal na impormasyong maaaring sumira sa balanse ng kompetisyon sa isang industriya.
  • Mga impormasyong itinakda ng batas, korte, o ng konstitusyon upang manatiling sikreto o pribado
  1. Suportado ng susunod na administrasyon ang pagpasa ng FOI

Hindi man nakapasa sa ika-16 Kongreso ang FOI, maliwanag pa rin ang hinaharap para dito sa pagpasok ng susunod na administrasyon.

Sa isang panayam ng Rappler, ipinahayag ni President-elect Rodrigo Duterte ang kanyang intensyon na gawing prayoridad ang FOI sa ilalim ng kanyang administrasyon. Ayon kay Duterte, uunahan na niya ang kongreso na ipatupad ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng isang Executive Order. Sa pamamagitan nito, agad agad umanong maipapatupad ang batas sa executive department.

Hindi pa man nakapapasa ang Freedom of Information bill sa kasalukuyan, maliit na tagumpay na rin ang pagkakilala dito bilang isang mahalagang batas. Sa pagpasok ng susunod na administrasyon, asahan natin ang mas agarang pagpapatupad nito, ngunit marapat lamang din na patuloy na magmatiyag at magbantay ang mamamayan sa pagpapatupad nito.

Hindi ganap ang kalayaan kung wala tayong sapat na kalayaan para makaalam sa mga bagay na nakaaapekto sa atin bilang Pilipino. Marapat lamang na maipatupad ang FOI upang mas mapalawak ang kakayanan ng sambayanan na magbantay at magmatiyag tungo sa ganap na kalayaan mula sa kurapsyon, iregularidad, at kawalang pananagutan sa pamahalaan. (Hector MJC Brizuela)

You May Also Like