Extrajudicial Killings, pakana ng pulis—VACC

 

 

 Ni: Joel O. Amongo
 
KUMBINSIDO ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na pulis ang nasa likod ng extrajudicial killings sa pinaniniwalaang drug dealer, o police asset.
 
Ang pahayag ni VACC chairman Martin Dino ay naka-angkla sa substansiyal na bilang ng biktima ng extrajudicial killings sa iba’t ibang panig ng bansa.
 
Iba pa ito sa mga namamatay na drug dealers habang nagaganap ang drug buy-bust operation.
 
Ang tinutukoy ni Dino ay mga pulis na sangkot sa recycling ng shabu.
 
Ibig sabihin, iyong mga pulis na binabawasan ang shabu na kanilang nakukumpiska sa mga nahuhuli nilang suspek at pagkatapos ay ipinabebenta muli sa sarili nilang tulak ng shabu upang kumite ng malaki.
  
Ayon kay Dino, kung ang mamamayan ay may nabalitaang biktima ng extrajudicial killings, sa VACC o sa National Bureau of Investigation (NBI) sila magsubong upang siguradong matulungan ang mga biktima kaysa sa Philippine National Police (PNP) pa lumapit.
 
Nitong nakalipas na anim na taon, bihira namang maganap ang extrajudicial killings.
 
Nagsunud-sunod ang biktima ng extrajudicial killings nang manalo sa pagkapangulo si dating Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
 
Matigas ang posisyon ni Duterte laban sa iligal na droga.
 
Pabor siya kahit mamatay ang mga drug lord dahil kumbinsido siyang matagal nang panahon na maraming winasak na buhay ang mga drug lord.   
  
Idiniin ni Dino na “ang kustumbre nating mga Pilipino sa halip na isumbong sa kamag-anak natin (pulis) ay sa NBI na lamang o kaya sa VACC isumbong ang extra judicial killing.”
 
Ani Dino, maraming binabantayan ang VACC na biktima ng extra judicial killing partikular ang pinatay na mag-ama sa loob mismo ng bilangguan sa Pasay City.
 
Anya, maraming pulis ang matatapang na pumasok, o kumatok sa bahay ng mga suspek sa pagtitinda ng droga alinsunod sa pagsusulong ng “Oplan Tokhang” (Tuktok Hangyo) at double barrel  kahit walang dalang search warrant ang mga ito na hindi dapat mangyari, sapagkat mali ito.
 
Ipinaalala ni Dino ang binanggit ni Duterte na bawal ang walang “due process of law” sa pagpapatupad ng kampanya laban sa iligal na droga.
 
“Kaya nga may ‘rule of engagement’ na tinatawag ang pulisya” upang maiwasan ang pag-abuso ng mga pulis, ayon kay Dino.

You May Also Like