Extrajudicial killing, maling solusyon vs drug dealers—Pimentel Jr.

 

 

 Ni: Boy Celario
KUMBINSIDO si dating Senate President Aquilino Pimentel Jr. na hindi solusyon ang “extrajudicial killing” sa mga hinihinalang drug dealer upang mawala ang negosyo ng iligal na droga sa Pilipinas.
 
Inilabas ni Pimentel ang kanyang posisyon sa isinagawang media forum sa Quezon City dahil hindi na niya gusto ang nagaganap na serye ng pagpatay ng mga pinaniniwalaang “hired killer” sa mga drug dealer.
 
Sabi dati ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), mukhang nagpapatayan na ang iba’t ibang sindikato sa porma ng vigilantismo, kaya mayroong mga namamatay na mga drug dealer na labas sa lehitimong operasyon ng PNP.
 
Idiniin ni Pimentel na mahirap bigyan ng katuwiran na basta na lamang papatayin ang isang tao dahil lamang sa kanyang pagkakasangkot sa iligal na droga.
 
“Ako mismo [ay] against sa dictatorial form of government. [Kaya] nagugulat ako na ang solusyon sa problema ng bayan ay barilin ang mga taong kriminal,” saad ni Pimentel.
 
Sabi pa ng dating senador at lider ng PDP-Laban na dapat may mga taong tumayo at manindigan laban sa extrajudicial killings.
 
Ngunit, mukhang pabor si Pimentel kung ang pagpatay sa drug dealer ay resulta ng lehitimong operasyon ng PNP.
 
Si Pimentel ang ikalawang kilalang personahe na tutol sa pagpatay sa mga drug dealer.
 
Kamakalawa, tahasang binatikos ng bagitong senador na si Leila de Lima ang kampanya ng pamahalaan laban sa droga sa pamamagitan ng pagpatay.
 
Kalat na kalat ngayon ang balita na si De Lima ay protektor ng mga drug kingpin na nakakulong sa New Bilibid Prison (NBP).
 
Sa kabila ng mga pagtutol ng mga tulad nina Pimentel at De Lima, tila hindi kinakabahan si Dela Rosa na ilarga pa ang madugong kampanya laban sa iligal na droga.
 
Matatandaang idiniin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25 na dapat hindi tumigil ang pamahalaan hanggang hindi nauubos ang mga sangkot sa iligal na droga hanggang sa walang matira kahit isang drug pusher.

You May Also Like