Exclusive: Shabu ng Central Visayas drug lord galing sa Bilibid

 

 

'MAGBABAGO NA AKO': Ito ang idiniin ni Franz Sabalones nang iharap siya sa media ni Philippine National Police chief, Director General Ronald "Bato" dela Rosa ngayong Lunes ng umaga makaraang sumuko siya at ang kapatid niyang si San Fernando, Cebu Vice-Mayor Frals Sabalones sa heneral nitong Linggo ng gabi, ilang oras matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 158 judge, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, heneral, at ilan pang opisyal ng PNP na sangkot sa negosyo ng shabu. Si Franz ay tinukoy ni Dela Rosa na bagong hari ng sindikato ng shabu sa Central Visayas Region. (Rafael Taboy)
‘MAGBABAGO NA AKO’: Ito ang idiniin ni Franz Sabalones nang iharap siya sa media ni Philippine National Police chief, Director General Ronald “Bato” dela Rosa ngayong Lunes ng umaga makaraang sumuko siya at ang kapatid niyang si San Fernando, Cebu Vice-Mayor Frals Sabalones sa heneral nitong Linggo ng gabi, ilang oras matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 158 judge, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, heneral, at ilan pang opisyal ng PNP na sangkot sa negosyo ng shabu. Si Franz ay tinukoy ni Dela Rosa na bagong hari ng sindikato ng shabu sa Central Visayas Region. (Rafael Taboy)

Ni: Bernard Badilla-Toledo

 
ANG pagsuko ng bagong hari ng shabu business sa Central Visayas Region ay nagsiwalat na nagnenegosyo pa rin si David Sy ng shabu kahit nakakulong pa ito sa New Bilibid Prison (NBP), ang pambansang piitan ng bansa.
 
Pagsuko ni Franz Sabalones
 
Si Franz Sabalones at ang nakababata niyang kapatid na bise-alkalde ng San Fernando, Cebu na si Frals ay dalawa sa 54 katao na sumuko sa hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Ronald “Bato” dela Rosa nitong gabi ng Linggo, ilang oras matapos ibunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakasangkot ng 158 katao sa negosyo ng ipinagbabawal na gamot.
    
Tahasang itinanggi ni Frals na kasama siya sa sindikato ng droga.
 
Idiniin ni Frals na kahit kailan ay hindi siya sumali sa pagnenegosyo ng shabu.
 
Sa halip, itinuro niya ang kanyang kuya na si Franz na sangkot sa pagbebenta ng shabu.
 
 
Umaming drug lord
 
Idiniin ni Dela Rosa na inamin ni Franz sa kanya na siya ay drug lord.
 
Nang tanungin ng media kung totoo ang sinabi ni Dela Rosa, “magbabago na ako,” sagot ni Franz.
 
Walang kagatol-gatol na ibinunyag ni Dela Rosa na si Franz ang pumalit kay Jeffrey “Jaguar” Diaz sa pagiging hari ng shabu business sa Central Visayas Region matapos na mapatay si Diaz ng mga pulis sa Las Pinas nitong Hunyo.
 
Sabi ni Dela Rosa, si Franz ang ikalawa noon kay Diaz, kaso nag-away hanggang nagkahiwalay ang dalawa.
 
Sabi ni Dela Rosa, kumalas si Franz kay Diaz at nagsarili ito ng grupo.
 
Dumeretso kay Peter Co
 
Dumeretso si Franz kay Peter Co, isa sa sinasabing 19 na drug kingpin na nakakulong sa NBP, upang lumaki ang kita, saad ni Dela Rosa.
 
Si Co ang tinukoy ni Pangulong Duterte na tatlo sa pangunahing drug lord sa Pilipinas.
 
Ang ikalawa ay si Herbert Colangco, nakakulong din sa NBP.
 
Ang ikatlo ay si Peter Lim, isang negosyanteng nakabase sa Cebu.
 
Tahasang itinanggi ni Lim na sangkot siya sa sindikato ng droga.
 
Si Lim ay kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman kung totoo, o hindi ang pagsasalarawan sa kanya ni Duterte.  
   
Ayon kay Dela Rosa, ayaw na ni Franz kumuha ng shabu kay Diaz, kaya dumeskarte ito kay Co.
 
Nang malaman ni Diaz ang ginagawa ni Franz, siniraan ni Diaz si Franz kay Co, patuloy na pagbubunyag ni Dela Rosa.
 
“Kumontak siya kay Peter Co para yung supply from Bilibid diretso na sa kanya, hindi na kay Jaguar. Nung kumontak s’ya kay Peter Co gumawa ng paraan si Jaguar na masira s’ya at hindi masuplayan ni Peter Co,” banggit pa ng hepe ng PNP.
Nauwi kay David Sy
 
“So, from Peter Co naghanap s’ya [Franz] ng ibang source doon at meron s’yang napuntahan na isang David Sy, doon s’ya nakakuha ng supply from drug lord sa Bilibid papunta na sa kanya,” patuloy ni Dela Rosa.
 
Aniya, sa isang SUV inilalagay ang shabu kada buwan mula kay David Sy.
 
“Kinakarga doon yung 15 kilos a month, biyahe ‘yan by land para hindi masita papunta doon sa Cebu,” banggit ni Dela Rosa.
 
“Pagdating doon sa Cebu pina-park lang nila doon sa parking area ng Gaisano Mall. Pinapasa doon at doon nagdi-distribute ng goods,” patuloy ng hepe ng pulisya.
 
Matapos mapatay si Diaz nang makaengkwentro ang pulis sa Las Pinas, si Franz ang pumalit sa trono ni Diaz.
 
Si Diaz ang kauna-unahang drug lord na namatay makaraang manalo sa pagiging Pangulo ng bansa si Duterte.
 
P200K hatag kay police colonel
 
Inamin din ni Franz na mayroong mga opisyal ng PNP ang nagbibigay ng proteksiyon sa kanyang operasyon.
 
Pinangungunahan ito ng isang police colonel, na inilihim na ni Dela Rosa ang pangalan dahil ‘ipinatapon’ na ang colonel na ito sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
 
Sabi umano ni Franz kay Dela Rosa, P200,000 kada linggo ang parating niya sa police colonel.
 
Ang opisyal na ang bahala na abutan ang iba pang opisyal ng PNP at pati ang isang heneral.
 
Hindi lang tiyak ni Franz kung inaabutan ng colonel ang isang police general, o binubukulan ito.
 
Mamamatay si Franz
 
Umabot sa 32 opisyal at kasapi ng PNP ang sumuko kay Dela Rosa nitong Linggo.
 
Sabi ni Dela Rosa, sila ay kakasuhan ng administrative at criminal charges upang masibak sila sa serbisyo at makulong sa NBP.
  
Tiniyak ni Dela Rosa na mamamatay si Franz kung hindi ito magbabago.
“Basta ito ‘pag hindi siya [Franz] nagbago mamatay talaga ito. Magbago ka dapat ha. Sa dami ng naaksayang buhay sa Central Visayas ngayong nag-surrender ka magbago ka ha. ‘Pag hindi siya nagbago alam na niya. Basta magbago ka,” diin ni Dela Rosa.

You May Also Like