Exclusive: Panawagang ‘Resign Bistek’ pakana ni Belmonte?

 

 

MAGKAKASUNDO? : Makikitang magkakasama sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Interior Secretary Ismael Seno, Vice-Mayor Ma. Josefina Belmonte, at QC District 4 Coun. Hero Bautista sa flag-raising ceremony sa Quezon City Hall nitong Agosto 8 kahit pumutok sa media ang pagiging positibo sa drug test  at confirmatory test ni Coun. Bautista na ipinagawa ni Belmonte sa 36 na konsehal ng Sangguniang Panglunsod. (ang litrato ay galing sa Quezon City Government website)
MAGKAKASUNDO? : Makikitang magkakasama sina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Interior Secretary Ismael Seno, Vice-Mayor Ma. Josefina Belmonte, at QC District 4 Coun. Hero Bautista sa flag-raising ceremony sa Quezon City Hall nitong Agosto 8 kahit pumutok sa media ang pagiging positibo sa drug test at confirmatory test ni Coun. Bautista na ipinagawa ni Belmonte sa 36 na konsehal ng Sangguniang Panglunsod. (ang litrato ay galing sa Quezon City Government website)

Ni: Bernard Badilla-Toledo

SI Vice-Mayor Ma. Josefina “Joy” Belmonte-Alimurung ang nasa likod ng panawagang magbitiw si Herbert “Bistek” Bautista sa pagiging alkalde ng Quezon City.
 
Ito ang nabatid mula sa mapagkakatiwalaang source ng Tapat News online at bi-monthly newspaper.
 
Pumayag ang source na isiwalat ang umanoy sikretong plano ni Belmonte sa kondisyong hindi ilalabas ang kanyang pangalan.
 
Pumayag ang Tapat News at ang desisyong ito ay alinsunod sa batas sa libelo kung saan binibigyan ng kaukulang proteksiyon ng batas na huwag ilabas ang pagkakakilanlan ng sources ng media.
 
Idiniin ng source na nakipagsabwatan si Belmonte sa grupo ni Leon Peralta sa planong pagpapaalis kay Bautista sa puwesto.
 
Ikatlo at huling termino na ni Mayor Bautista ng Liberal Party (LP).
Si Bautista, na kilala sa bansag na “Bistek” dahil sa pagiging komedyante nito sa pelikula, ay bise-alkalde ni Rep. Feliciano “Sonny” Belmonte sa loob ng siyam na taon bago naging alkalde.
 
Matatandaan na nitong Miyerkules pinaputok ni Peralta ang panawagan ng Liga ng Explosibong Pagbabago na magbitiw na si Bautista makaraang aminin umano ng alkalde na ang kanyang kapatid na bagitong konsehal na si Hero Bautista ay nagpositibo sa droga.
 
Si Hero ay nanalong konsehal para sa Distrito 4 nitong eleksyon.
 
Inamin ni Ares Gutierrez, hepe ng Public Affairs and Information Services (PAISO), na si Kon. Bautista ay nagpositibo sa drug test.
 
Ayon kay VM Belmonte, yung resulta sa drug test ng 36 konsehal ng Sangguniang Panglunsod ng Quezon City ay isinalang sa hiwalay na confirmatory test kung saan idinidiing positibo nga sa droga ang isang bagitong konsehal.
 
Hindi eksaktong binanggit ni Belmonte ang pangalan ni Hero, ngunit nagbigay ng “clue” na nagtuturo kay Hero.
 
Sabi pa ni Gutierrez, inamin mismo ni Herbert sa isang “executive committee meeting” na ang kanyang kapatid ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
 
Tatlong katao raw ang nakarinig sa pag-amin ni Bautista.
 
Ayaw ibunyag ni Gutierrez ang pangalan ng tatlo.
Ayon sa source, ang pagkakabunyag sa iligal na ginagawa ni Hero ay “oportunidad” lang ni Belmonte laban kay Herbert.
 
Nagkataon, malaki rin ang galit ng organisasyon ni Peralta kay Bautista, kaya “pabor” ito sa “lihim na suporta ni Belmonte” laban sa alkalde.
 
Idiniin ng source na gustong isapubliko at ipunto ng mga Belmonte na “ayaw” na ng mga Belmonte kay  Bautista makaraang matanggalan ng tikas si Rep. Belmonte.
 
Ang tinutukoy na tikas ay ang biglang pagkawala ng posisyong “speaker” kay Belmonte sa Kamara del Representantes.
 
Mayroon pa sanang isang termino si Belmonte upang maging lider ng Kamara, kaso biglang nawasak ito ng matalo ang sinuportahan niya sa pagkapangulo nitong eleksiyon na si Manuel “Mar” Roxas II.
 
Ayon sa source, hindi maipirmes kung bakit tinatanggal ng mga Belmonte ang suporta nila kay Bautista, samantalang wala naman itong kinalaman sa pagkawala ng speakership ng Kamara kay Rep. Belmonte.
 
 
Sabi ni Peralta, biglang nawasak ang mandato ni Bautista makaraang sumabog ang sikreto ng pamilya Bautista na gumagamit pala ng ipinagbabawal na gamot si Hero.
 
Kailanman, hindi napabalitang ipina-rehab ng alkalde ang kanyang kapatid, gayong matagal nang pulitiko si Mayor Bautista.
 
“Hindi na dapat maging alkalde si Bautista. Pumalpak bilang kapatid si Bautista kay Hero. Paano siya magiging [mahusay na] ama ng lungsod?,” ratsada ni Peralta sa forum na isinagawa nitong Miyerkules.
 
Ipinaalala pa ng pinuno ng Liga ng Explosibong Pagbabago na binanggit niya sa mga residente ng lungsod nitong kampanya na masyadong talamak ang iligal na droga sa lungsod na sumisira sa buhay ng kabataan at bawat pamilya.
 
Ang pinuno ng Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council (QCADAAC) na pinamumunuan ni VM Belmonte mahigit anim na taon na simula noong 2010 ang siyang inatasan ng ordinansa ng lungsod sa problema sa droga sa Quezon City. (may dagdag-ulat si Joel O. Amongo)

You May Also Like