EXCLUSIVE: 45 NA MGA BILANGGO NG BJMP, NAMAMATAY KADA BUWAN

 

 

Director General SERAFIN BARRETTO
Director General SERAFIN BARRETTO

Ni: Jan Sinocruz

 

NAKAGUGULAT, ngunit totoong 45 na mga bilanggo ang namamatay sa iba’t ibang bilangguang minimintina ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sa eksklusibong panayam ng TapatNews.com kay Director General Serafin Barretto Jr., bagong talagang direktor ng BJMP,  itinuro niya na kakapusan ng pondo ng BJMP ang dahilan ng pagkamatay.

Ipinakita ni Barretto ang rekord ng BJMP na nagpapakitang 45 nga ang namamatay bawat buwan sa iba’t ibang bilangguang ng BJMP.

Ani Barretto, sa kasalukuyan ay P50.00 lamang ang badyet ng bawat isang preso sa isang araw.

Ito na ang panggastos sa pagkain, gamit sa pagluluto gaya ng panggatong at pangsahog sa ulam, patuloy ng opisyal.

Sabi pa ng direktor heneral na dapat sana ay gawing P100.00 bawat preso kada araw upang maging maganda ang kakainin ng mga bilanggo kung saan mayroong sapat na calories na kailangan ng katawan ng tao araw-araw.

“Kailangan na kailangan natin tulungan ang ating mga preso, dahil mahirap na nga ang kalagayan nila at hindi pa sila makakain ng husto sa loob ng kulungan kung kaya’t nananawagan tayo sa mambabatas na sana ay madagdagan ang kanilang budget sa pagkain” saad ni Barretto.

Ang isa pang dahilan sa pagkamatay ng mga bilanggo, ayon kay Barretto, ay ang pagsisiksikan ng mga bilanggo sa mga kulungan na umaabot na sa 550 ang congestion rate sa bawat kulungan ng BJMP na hindi dapat sanang mangyari.

Sa National Capital Region lamang, ang ilan sa mga kulungan ay mayroong 2,000 congestion rate kung kaya naman ang mga bilanggo dito ay nagpapalitan o naghahalihinan sa pagtulog sa gabi.

Ngunit, walang magawa ang pamunuan ng BJMP hinggil dito, sapagkat kapos na kapos naman sila sa pondo upang palakihin, o magpagawa ng mga bagong bilangguan kasunod ng walang tigil na pagdami ng bilang ng nakukulong araw-araw.

Batay sa rekord ng BJMP, nasa 120,000 ang kabuuang bilang ng mga bilanggo sa iba’t ibang kulungan ng BJMP.

Malaki ang itinaas na ito, dahil nasa 96,000 lamang ang bilang ng mga preso.

Samantala, nabatid ng TapatNews.com na naglaan ang pamahalaan ng P1.7 Bilyong pondo ng BJMP para sa 2017.

Gagamitin ito sa pagpapagawa ng mga bagong kulungan sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Idiniin ni Barretto na masyadong maliit pa ang P1.7 Bilyon para sa “decongestion program” na ibig ipatupad ng kasalukuyang pamunuan ng BJMP sa pangunguna ni Barretto.

“Kung tutuusin dapat ay nasa 10 hanggang 11 Bilyon ang pondo para maabot namin ang zero decongestion, subalit hindi ito kaya [ng pamahalaan] na maibigay sa amin,” sang-ayon pa kay Barretto.

Pero, kahit maliit ang pondong ilalaan ng pamahalaan, gagawin ng grupo ni Barretto ang lahat upang maibsan ang suliraninn ng mga bilanggo sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, labing-isang kulungan ang balak na ipatayo ng Department of Interior and Local Government (DILG)  bunsod na rin sa patuloy na pagdami ng mga preso.

Higit na marami ngayon ang paglaki ng bilang ng mga bilanggo sa iba’t ibang mga kulungan sa bansa, dahil na rin sa pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng direktiba ni Pangulog Rodrigo Duterte na tapusin ang problema ng iligal na droga sa bansa.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like