Ex-Mayor, Army Major, 8 pa Kinasuhan dahil sa Shabu

 

 

 
Ni: Joel O. Amongo
 
SINAMPAHAN ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang dating alkalde, army major, at walo pang katao sa piskalya sa Cagayan de Oro City dahil sa P200,000 halaga ng shabu.
 
Ang kaso nina Johaira Macabuat (44-taong-gulang), asawa nitong si Major Suharto Macabuat (40-taong-gulang), Kate Abinal (22), Noraisa Sarip (34), Mark Gerald Sindac (33), Moamar Taher (28), Mariano Dagandar Jr. (54), Manot Dutoan (20), at Hezam Tambidan (21) ay may kinalaman sa operasyon ng PDEA at ng Philippine National Police (PNP) laban sa kanila nitong Hulyo 23.
 
Nakuhaan ng mga awtoridad ang mga akusado ng 100 gramo ng shabu na ang street value ay P200,000, 1 timbangan na gamit sa pagtimbang ng shabu, 2 kalibre 45 na may bala, at 1 Glock kalibre 9mm na mayroon ding bala.
 
Kinasuhan sila ng paglabag sa Seksiyon 11 (Possession of Dangerous Drugs) at Seksiyon 12 (Possession of Drug Paraphernalia) na makikita sa Artikulo II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
 
Ang operasyon ng PDEA at PNP ay batay sa bisa ng search warrant na inisyu ng korte.
 
Ayon kay PDEA Director General Isidro S. Lapeña, si Johaira, na kilala sa bansag na “Mayora Marimar”, ay tukoy na “Drug Queen of the South.”
 
Ani Lapena, ang pangkat ni Johaira ay nagrarasyon ng shabu sa Regions 10, 11, 12, CARAGA Region, Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), at maging sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Ang kanyang asawa na si Major Macabuat ay nakatalaga sa Philippine Army (PA) Headquarters Support Group sa Fort Bonifacio, Taguig City.

You May Also Like