Estados Unidos, muling kinategorya ang CPP-NPA bilang terorista

MANILA – Muling ikinategorya ng Estados Unidos ang Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) bilang isang teroristang organisasyon sa bagong labas nitong listahan ng foreign terrorist organizations.

Ayon sa Country Reports on Terrorism 2015 na inilalabas ng US State Department kada Hunyo, kabilang sa limampu’t walong (58) militanteng organisasyong naiuugnay sa mga gawaing terorismo ang mga nasabing grupo. Kabilang din ang dalawa sa mga nakikita ng departamento na may patuloy na pagbabanta sa mga negosyo at interes ng Estados Unidos sa bansa.

Ang New People’s Army ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines na kasalukuyang may operasyon sa mga iba’t ibang probinsya sa bansa. Naitatag noong 1969, itinuturing ang pakikidigma ng CPP-NPA bilang isa sa pinakamahabang rebelyong komunista sa Asya. Unang napabilang ang CPP-NPA sa US terror list noong 2002.

Ayon sa report, ang CPP-NPA ay nakikitang nasa likod ng mga pag atake noong nakaraang taon na nagdulot ng pagkasawi ng hindi bababa sa apat na mga pulis at sundalo. Ang grupo rin ay pinaghihinalaang utak sa pag atake sa plantasyon ng Dole sa Bukidnon noong Enero 2015 na nagdulot ng pagkasunog ng mga pasilidad at pagpuputol ng hindi bababa sa 700 puno ng saging sa lugar.

Ang pagkakabilang ng CPP-NPA sa US List of Foreign Terrorist Organizations sa taong 2015 ay naganap sa kabila ng napipintong muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng nasabing grupo.

Mga Dapat Malamang Tungkol sa US Terror List 2015

Ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN, ang muling pagkakabilang ng CPP-NPA sa listahan ng mga teroristang organisasyon ay naglalayong papanghinain ang pagnanais ng pamahalaan na muling simulan ang usaping pangkapayapaan.

“The designation of the CPP-NPA as terrorist organizations by the US State Department, on the eve of the resumption of peace negotiations with the NDFP, is intended to undermine the talks. The US once again hopes to use the terrorist listing as a form of intervention in an internal matter,” ani Reyes sa isang pahayag.

Dagdag pa ni Reyes, ang pag-aalok ni President-elect Rodrigo Duterte ng mga posisyong pampamahalaan sa CPP ay isang pasinungaling sa pagkakategorya sa nasabing grupo bilang isang terorista.

Si President-elect Duterte ay nagpahayag ng pagnanais na muling pasimulan ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front (NDF) na siyang kumakatawan sa CPP-NPA. Nagpahayag din si CPP founder Jose Maria Sison ng pagnanais na umuwi sa bansa kung magpapatuloy muli ang usapang pangkapayapaan. Si Sison ay na-exile sa Netherlands mula pa noong 1989.

Kabilang din sa 2015 List of Foreign Terrorist Organizations ang Abu Sayaff Group (ASG), Jemaah Islamiyah (JI), at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). (Hector MJC Brizuela)

You May Also Like