Endo Lords, Dapat Sampolan

 

 

Ni: Marites Badilla
MAGANDANG balita para sa mga organisasyon ng mga manggagawa ang panawagan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na tapusin na ng mga negosyante ang ‘endo’ (end of contract), o kontraktuwalisasyon kung ayaw nilang ipasara niya ang kanilang mga kumpanya.
 
Ngunit, hinamon ng Partido Manggagawa (PM) si Duterte na sampolan ang mga dambuhalang kumpanya na tinawag nitong “endo lords.”
 
Ayon kay PM chairman Renato Magtubo  “marahil ang mga kagalang-galang na endo lord ay dapat ipahiya sa publiko ni Pangulong Duterte upang itigil ng mga ito ang kanilang mapanamantalang sistema ng pagkuha sa mga manggagawa.”
 
Banggit naman ng pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) na si Atty. Jose Sonny Matula na ang pagpapasara ni Duterte sa mga nagpapairal ng kontraktuwalisasyon ay “magandang leksiyon sa mga lantarang lumalabag sa batas.”
 
Ang ibig sabihin ng endo ay ang sistema ng pagkuha ng kumpanya sa manggagawa upang magtrabaho ng limang buwan lamang.
 
Ang iba ay mas malupit, sapagkat hindi pinaabot ng limang buwan ang manggagawa.
 
Kaya, hindi lumalampas sa limang buwan karamihan sa mga manggagawa, sapagkat magiging regular sila alinsunod sa itinakda ng batas-paggawa na siyang ayaw mangyari ng mga kapitalista.
 
Idiniin ni Duterte nitong Lunes na hindi siya magdadalawang isip na ipasara ang mga kumpanyang patuloy na ipatutupad ang sistemang endo, o kontraktuwalisasyon sa pagkuha ng mga manggagawa.
 
Partikular na tinukoy ni Duterte ang mga security agency kung saan ang iba pa nga raw ay 24 oras kung pagtrabahuin ang kanilang mga guwardiya.
 
Nabatid ng Tapat News online at bi-monthly newspaper na karamihan, kundi man lahat, sa security agency ay pag-aari ng mga dating heneral at colonel sa pulisya at militari.
 
Ang pagtatapos sa praktis ng kontraktuwalisasyon sa bansa ay isa sa mga pangako ni Duterte noong nangangampanya pa lamang siya sa pagkapangulo ng bansa.
 
Sabi ni Matula na “Hindi dapat manatiling naghahanap-buhay  ang mga manggagawa kaparis ng alipin na walang katiyakan kung saan kukuha ng ikabubuhay matapos ang tatlo, o limang buwang kontrata sa isang kumpanya, samantalang maraming kapitalista ang nabubuhay sa labis-labis na karangyaan.”
 
Hindi tinukoy nina Magtubo at Matula ang mga kumpanyang talamak sa endo.
Ngunit, sabi ni Magtubo, talamak ang endo sa malls, sa mga industriya ng eroplano, hotel, restaurant, pabrika at kahit sa mga plantasyon.

You May Also Like