Eleksyon Na! PCOS, Patuloy Ang Aberya

pcos

ORAS na lamang ang binibilang bago dumagsa ang sambayanan sa mga polling stations sa Lunes, ngunit marami pa ring grupo at personalidad na hindi mapalagay sa mga teknikal na aberya na naganap magpahanggang sa Final Testing and Sealing o huling pagsubok sa mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines.

Sa isang press conference nitong Martes, ani Atty. Marwil Llasos, na tumatakbo para sa pagka-senador, “PCOS is very much imperfect and they don’t want to fix [the] imperfection and that they have been sitting on it despite the voices that have been raised to the contrary.”

Si Llasos, na inendorso ng White Vote Movement, ay isa lamang sa mga bumabatikos sa mga napabalitang technical glitches tulad ng mga PCOS machines na mahirap paganahin sa Quezon City; mga makinang paulit-ulit ang error sa Laguna; mga makinang kulang ang mga parte at ayaw mag-print sa Cavite; at mga balotang ayaw basahin ng mga PCOS machines sa Mandaluyong City.

Ayon sa isang ulat sa ABS-CBN, hindi pa rin nawala ang problema ng paper jamming o ‘di maayos na pagsiksik at pagdikit ng balota sa mga makina, pati na rin ang pagkakaiba ng manual na bilang ng boto kumpara sa automated na tally mula sa PCOS machines.

“We are going to be cheated,” sabi naman ni Richard Gordon, na nagtagumpay sa kanyang petisyon sa Korte Sumprema na ipasuri ang kontrobersyal na source code ng mga PCOS machines.

Noong Mayo 9, nagsisimula ang apat na araw ng paginspeksyon sa source code, na karaniwang isinasagawa sa loob ng 90 na araw.

Dagdag ni Gordon, maraming batas ang nilabag ng Commission on Elections (COMELEC) dahil walang electronic signature na gagamitin ang mga makina at hindi naisagawa ang inspeksyon ng source code tatlong buwan bago ang halalan.

Ang source code ang “blue print” o pinaka kodigo ng PCOS machines na nagdidirekta kung ano ang eksaktong gagawin nito sa pagbilang at pag canvass ng boto.

Dagdag pa dito ang hinaing ng ilang grupo ng mga guro sa Metro Manila na hindi sapat ang kanilang pagsasanay para paandarin ang mga makina, partikular na ang pagpalit ng back-up battery kung sakaling magkaroon ng blackout.

Naging agam-agam ng marami ang posibilidad na magkaroon ng malawakang power failure sa araw ng eleksyon tulad ng naranasan ng Metro Manila, Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, at Bulacan nitong nakaraang Miyerkules.

Ginigiit naman ni Chairman Sixto Brillantes na maliliit na aberya lamang ang mga nabanggit na error, kumpara sa mga aberyang naranasan noong halalang 2010.

You May Also Like