Edgar Matobato, Simula ng Pagpapatalsik kay Duterte

 

Ni: Nelson S. Badilla

 

HETO na naman ang Senado.

Nagsasagawa ng pagdinig, sa pagkakataong ito hinggil sa malaganap na extrajudicial killings(EJKs) simula nang ilunsad ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Sa partikular, ang imbestigasyon ay isinasagawa ng Senate Committee on Justice and Human Rights at ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamumunuan nina Senadora Leila Magistrado de Lima at Senador Panfilo Lacson.

Ang layunin ng imbestigasyon ay upang tukuyin kung nasaan ang pagkukulang, o mali kaya malaganap ang EJKs sa Pilipinas.

Sa gayon, makagawa at  maipasa ang aamiyendahan sa umiiral na batas, o  makagawa at maipasa ang panibagong batas na tatapos sa EJKs.

Ngunit, sa ikatlong pagdinig ay nabisto ang tunay na pakay ng imbestigasyon nitong Huwebes (Setyembre 15) nang ilabas ni De Lima ang isang Edgar Matobato.

Sabi ni Matobato, Grade 1 ang inabot niya.

Dalawa ang kanyang naging ka-live-in partner.

Sabi pa niya, naging miyembro siya ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU), armadong grupo ng mga sibilyan na nasa ilalim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang layunin ay habulin ang mga komunistang rebelde.

Ang pinaka-matindi, siya ay naging miyembro ng “Lambada Boys.”

Ito na ang sinasabing Davao Death Squad (DDS).

Ayon kay Matobato, anim lang silang miyembro.

Ang Lambada ay siya nang Heinous Crime Unit ng Davao City – Philippine National Police (PNP), kung saan pamahalaang lokal ng Davao City ang nagpapasahod sa mga kasapi nito, banggit ni Matobato.

Umiral daw ito mula 1998 hanggang 2014, sabi ni Matobato.

Sabi niya, nasa 1,000 ang mga napatay nilang tao simula 1998 na ipinag-utos umano ng alkalde noon ng Davao City na si Rodrigo Duterte na ngayon ay Pangulo na ng Republika ng Pilipinas, tulad ng internasyonal na terorista raw na si Salim Mukdaw.

Maging ang anak ni Duterte na si Davao City Vice-Mayor Paolo Durterte ay inuutusan din daw ang pangkat ni Matobato na pumatay ng tao tulad ng bilyonaryong si Richard King noong 2014.

Ang pinag-uusapan sa Senado ay tungkol sa EJKs mula nitong Hulyo 1 hanggang sa kasalukuyan.

Ang ibinunyag ni Matobato ay mula 1998 hanggang 2014 na kailangan pang patunayan sa korte kung totoo, o hindi.

Maaari nilang sampahan ng kasong kriminal si Duterte, pero, iyan ay mangyayari matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30,2022.

Si Vice-Mayor Duterte ay puwede nilang sampahan ng kaso ngayon kung mayroong silang sapat na ebidensiya.

Hindi naman tayo isinilang kahapon upang hindi maintindihan ang layunin ng pagpapalabas kay Edgar Matobato.

Iyan ay wasakin si Duterte at sumunod ay patalsikin sa puwesto.

Kung tungkol sa EJKs mula Hulyo 1,2016, imbitihan sana ni De Lima sina Senior Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ng Quezon City, Senior Supt. Johnson Almazan ng Caloocan City, at Senior Supt. Joel Colonel ng Manila dahil sa mga nasasakupan nila ay matindi ang EJKs simula Hulyo 1.

Sa Davao City ay mahina ngayon.

Bakit ba binibira si Duterte?

Dahil ba sa marami siyang tinamaan sa kanyang gyera laban sa droga?

Dahil ba, may mga tinamaan na pawang mga kasapi ng LP?

Sa totoo lang, malisyosong-malisyoso ang pagpapalabas ni De Lima kay Matobato sa pagdinig sa Senate Committee on Justice and Human Rights at Committee on Public Oder and Dangerous Drugs dahil ang ginawa lamang ng Matobato na ito ay maglabas nang maglabas ng lumang impormasyon laban kay Duterte upang palabasin na kriminal ang Pangulo ngayon ng Pilipinas ilang araw.

Nangyari ito matapos isapubliko ni Duterte  ang “drug matrix” na kinasasangkutan ni De Lima at ng ilang tao sa Pangasinan, kabilang ang dating gobernador ng nasabing lalawigan at kasalukuyang Kongresista Amado Espino Jr.

Ang drug matrix ay pangalawang pagbubunyag ni Duterte hinggil sa ‘nakaraan’ ni De Lima.

Ang una ay iyong tungkol sa pagiging protektor umano niya ng sindikato ng droga sa New  Bilibid Prison (NBP) at pagiging imoral niya, sapagkat naging kasintahan niya ang kanyang tsuper na si Ronnie Dayan simula noong nagpapraktis siya ng pagiging abogado hanggang bago siya mag-senador.

Sabi ni Matobato, siya ay itinatago ng isang “kaibigan” sa San Fabian, Pangasinan.

Ang tsuper ni De Lima na naging kasintahan umano niya ay galing Pangasinan.

Ang mga kasama ni De  Lima sa drug matrix ay taga-Pangasinan lahat.

Dinala raw siya sa Senado upang isiwalat ang kanyang nalalaman dahil nakokonsensiya na siya.

Noong inuusisa ni Senador Alan Peter Cayetano, sadyang hinaharang siya nina De Lima at Senador Antonio Trillanes IV.

Dumating pa ang puntong tahasang binastos ni Trillanes si  Cayetano.

Mukhang magkakutsaba ang dalawa.

Sabi ni Lacson, nagulat siya dahil inilabas ni de Lima si Matobato nang hindi man lamang ipinaalam sa kanya na mayroon siyang testigong dating mamamatay-tao laban kay Duterte, gayong si Lacson ang co-chairman ng imbestigasyon.

Sabi ni Lacson, ang media ay sinabihang may papuputukin si De Lima sa pagdinig sa Senado.

Aniya, mukhang sila lamang nila ni Trillanes ang nakakaalam ng tungkol kay Matobato.

Sabi ni Cayetano na wala silang natatanggap na listahan ng mga pangalan ng dadalo sa pagdinig noong Huwebes.

Inilatad ko isa-isa ang sinabi ng ilang senador upang ipakita sa inyo kung bakit malisyong-malisyo at napakasama ng motibo ni De Lima sa pagpapasulpot kay Matobato.

Ang tingin ko rito ay sinadya talaga ni De Lima na huwag ipaalam sa kapwa niya mga senador upang huwag maharang.

Sa tingin ko rin, mukhang si Trillanes ay may nalalaman sa ginawa ni De Lima, dahil nang pinipiga ni Cayetano si Matobato ay tinabihan ni Trillanes si Cayetano at sinabihan nito ang huli na “hindi kita papopormahin dito.”

Ginawa ito ni Trillanes makaraang hindi mapigilan ni De Lima si Cayetano sa pagbubusisi kay Matobato.

Ang inasal ni Trillanes ay pagpapakita na isa siyang doble-karang senador.

Ang kanyang desisyon ay nakabatay kung saan siya may pakinabang at hindi talaga gusto nitong mailantad sa publiko ang katotohanan.

Noong si dating Bise-Presidente Jejomar Binay ang tinutugis tungkol sa korapsiyon at pandarambong, agresibo si Trillanes na malaman ng sambayanang Pilipino ang katotohanan hinggil dito.

Ngayong katotohanan kung sino ang nagprodyus at nagdala kay Edgar Matobato ay hinaharang ni Trillanes at sasabihan niyang “out of order” si Cayetano.

Tapos, pinatay pa ni Trillanes ang mikropono ni Cayetano, dahil ang gusto ni Trillanes ay itigil ni Cayetano ang pangungumbinsi kay Matobato na ilantad ang mga taong nasa likod ng kanyang pagsulpot sa Senado.

Ganyan ba ang senador?

Ganyan ba ng nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA)?

Saan ba natutunan ni Trillanes ang mambastos sa kapwa mambabatas?

Pinaghandaan ba ni Trillanes ang “hindi kita papopormahin” Cayetano?

Talagang nagulat si Cayetano sa inasal ni Trillanes dahil sabi ng una sa huli: Noong kay Binay, tatlong oras tayong dalawa. Ngayon, iba na. Time-keeper ka na ba ngayon?

Kaya, nangungulit si Cayetano ay gusto niyang malaman kung bahagi ng Plan – B ng Liberal Party (LP) ang pagpapalabas kay Edgar Matobato.

Ang Plan – B ng LP ay matagal nang umiikot sa mga kuwentuhan, ngunit walang nagkukumpirma.

Habang tumatagal, umiinit ang kuwento hinggil sa Plan – B.

Ito ay tungkol sa pagpapatalsik kay Duterte sa puwesto, sapagkat hindi matanggap ng ‘dilawan’ na hindi kontrolado ng LP ang Malakanyang.

Sa paglabas ni Edgar Matobato kung saan inakusan si Pangulong Rodrigo Duterte na ‘utak’ ng EJKs sa Davao City mula 1998 – 2014, simula na ng laban para sa pagpapatalsik kay Duterte.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like