Duterte’s EO sa Freedom of Information, Limitado sa Ehekutibo

 

 

Ni: Marites Badilla
 
INAPRUBAHAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order hinggil sa Freedom of Information (FOI), ngunit ito ay limitado sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
 
Ang pagkakaroon ng FOI ay isa sa mga ipinangako ni Duterte noong nangangampanya siya sa pagkapangulo ng bansa.
 
Nitong Sabado, nilagdaan ni Duterte ang EO hinggil sa EOI matapos matiyak ng Presidential Legal team ng Administrasyong Duterte na hindi ito labag sa Konstitusyon, sa mga umiiral na batas, at mga desisyon (jurisprudence) ng Korte Suprema, ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.
 
Matatandaang maging si Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd ay ipinangako rin ang FOI noong nangangampanya pa siya sa pagkapangulo ng bansa, ngunit nang manalong Pangulo at  natapos ang anim na taon ang kanyang termino ay walang inilabas na FOI si Aquino.
 
Hindi rin nagpasa ang Kongreso na pinamumunuan nina Senate President Frnaklin Drilon at House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte ng panukalang batas hinggil dito.
 
Ang FOI ay isyu pa noong panahon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit palaging walang nangyayari.
 
Ang FOI ay batas, o ligal na polisiya ng pamahalaan na nagbibigay pahintulot sa publiko, anuman ang istatus nito sa buhay, na makakuha ng anumang impormasyong kakailanganin niya, mula sa iba’t ibang tanggapan, o opisina ng pamahalaan.
 
Kabilang sa maaaring makuhang impormasyon ay tungkol sa badyet, saan at paano ito ginagastos, sahod at kita ng sinumang opisyal at kawani ng pamahalaan.
 
Ang nilagdaang EO ni Duterte ay nag-aatas sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan sa ilalim ng ehekutibong sangay nito na kumpletong ipakita sa publiko ang lahat ng transaksiyon nito sa iba’t ibang larangan.
 
Ang sakop ng EO para sa FOI ay “all government offices under the executive branch including, but not limited to, the national government and all its offices, departments, bureaus, offices and instrumentalities including government-owned and -controlled corporations, state universities and colleges.”
 
Kasama sa 6-pahinang batas ang lahat ng pamahalaang lokal mula sa lalawigan hanggang barangay, sapagkat ang lahat ng ito ay pasok sa ehekutibong sangay ng pamahalaan.
 
Ang kilos at hakbang ng mga lokal na pamahalaan ay hindi dapat ilihim, o itago mula sa publiko, ayon sa nasabing EO.
 
Tinukoy na ang “impormasyong” dapat na ilabas sa mamamayan ay ang pumapatungkol sa “any records, documents, papers, reports, letters, contracts, minutes and transcripts of official meetings, map, books, photos, data, research materials, films, sound and video recording (magnetic or other tapes), electronic data computer store data or similar data or materials recorded stored or archived.”
 
Kasama rin sa mga impormasyong hindi dapat itago mula sa publiko ay ang “Statement of Assets and Liabilities and Net Worth (SALN)” ng mga opisyal ng pamahalaan.
 
Idiniin sa nasabing EO na hindi maaaring  malaman ng mamamayan ang anumang impormasyon na pasok sa ipinagbabawal ng Saligang-Batas, umiiral na mga batas, o desisyon (jurisprudence) ng Korte Suprema.
 
Nangangahulugang limitado ang impormasyong maaaring makuha at malaman ng mamamayan.
 
Inatasan ng EO na maglabas ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) ng listahan ng mga impormasyong hindi kasali sa mga maglalabas ng impormasyon sa publiko.
 
Ito ay isusumite ng DOJ at OSG kaay Pangulong Duterte sa loob ng 30 araw.
 
Ang hindi tumupad sa mga nilalaman ng EO ay makatitikim ng parusang administratibo alinsunod sa itinakda ng batas.
 
Inilinaw sa naturang EO, ang sinumang mayroong hangarin  na makakuha ng impormasyon sa anumang tanggapan sa sangay ng ehekutibo na naisin nito ay magpapasa lamang ng letter of request sa kinauukulang tanggapan kasama ang tunay na ebidensya ng pagkakakilanlan ng taong nanghihingi ng impormasyon.
 
Idiniin sa EO na ilalabas ang impormasyon sa loob ng 15 araw.
 
Inaasahan namang maglalabas pa rin ang ika-15 Kongreso ng panukalang batas upanng mapalawig paa ang sangay ng pamahalaan na kasama sa maglalabas ng mga impormasyon sa mamamayan, kabilang na ang lehislatura at hudikatura.

You May Also Like