Duterte, naglatag ng mga solusyon, sa halip na sisihin si Aquino

 

 

Ni: Bernard Badilla-Toledo
 
SANGKATERBA ang suliranin ng bansa na iniwan ni dating Pangulong Benigno Cojuangco Aquino 3rd, ngunit hindi siya sinisi ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit isang salita sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes.
 
Bilang pambungad, inilatag ni Duterte ang mensaheng ito sa kanyang SONA: “We cannot move forward if we allow the past to pull us back . . . don’t waste time dwelling on the sins of the past.”
 
Kaya, hindi dinikdik si Aquino sa kanyang mga naging pagkakamali at pagkukulang sa nakalipas na anim na taon.
 
Hindi katulad ni Aquino na ang higit 50 porsiyento ng kanyang SONA ay pagtatanim sa isipan ng mamamayang Pilipino na tinawag niyang “mga boss ko” ng galit, himutok, at paninisi kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
 
Hindi natapos ang dating Pangulo na gawin ang paninisi at panggigiba kay Arroyo tuwing SONA hanggang sa huling SONA nito.
 
Sa halos lahat din ng kanyang talumpati ay tila linta nang hindi matanggal-tanggal ang pangalang “Gloria Macapagal-Arroyo” sa kanyang mga “inihandang talumpati.”
 
Ang napansin ng mga nanood at nakinig sa unang SONA ni Duterte na binatikos niya ay ang pagkakamali sa pamahalaan at sa lipunan, ngunit kahit inisyal ng mga pangalan ni dating Pangulong Aquino ay hindi nabanggit.
 
Kahit nga ang ‘di pagdalo ni Aquino sa SONA ay hindi binigyan ng pansin ni Duterte.
 
Mas ginusto pa ni Duterte na kastiguhin ang matagal nang umiiral na mga krimen at kasalanan ng pamahalaan laban sa mga ordinaryong tao tulad ng demolisyon sa mga iskwater, o maralitang-lungsod.
 
Anang Pangulo, walang demolisyon kung walang malilipatan.
 
Hindi, anya, “aso” ang mga iskwater upang basta-basta na lamang paalisin at wasakin ang kanilang bahay.
 
Ang direktiba ni Duterte, tiyakin ng mga pamahalaang lokal na mayroong siguradong lugar na paglilipatan sa mga walang bahay bago maganap ang demolisyon ng kanilang mga tagpi-tagping istraktura.
 
Nagdeklara rin ang Pangulo ng “unilateral ceasefire” upang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ay huwag na munang sumabak sa pakikipagdima sa puwersa ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP) kaugnay sa kagustuhan ng Pangulo na magtuluy-tuloy ang nasimulang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan ng Pilipinas at komunistang grupo.
 
Umaasa naman si Duterte na magdedeklara rin kaagad ang pamunuan ng CPP-NPA-NDFP ng “unilateral ceasefire.”
 
Ginawa ito ng Pangulo, sapagkat naniniwala siyang hindi sa baril at patayan matatapos ang mga suliranin ng lipunang Pilipino.
 
Tinawagan din niya ng pansin ang lahat ng yunit ng pamahalaan hanggang sa antas ng pamahalaang lokal na tatlong araw lamang ang pagpoproseso ng mga dokumento, o papeles na rekisito sa transaksiyong ginagawa ng publiko sa pamahalaan.
 
Idiniin ni Duterte na huwag pabalik-balikin ang publiko, kundi tapusin ang transaksiyon sa oras na nakikipag-usap siya sa pamahalaan.
 
Ang paglalabas din ng business permit at mga dokumentong may kinalaman sa negosyo ay kailangang matapos ito sa dalawang araw, tugon ng Pangulo.
 
Ang lisensya sa pagmamaneho ay ginawa niyang limang taon ang ligal na buhay nito sa halip na manatili sa tatlong taon.
 
Ito pansamantala ang nakikitang solusyon ni Duterte, dahil alam niyang mabagal ang paglalabas ng lisensya.
 
Binanggit din ng Pangulo ang mas mabilis na takbo ng MRT at LRT para sa interes at kasiyahan ng mga mananakay.
 
Syempre, kaakibat dito ang pagsasaayos ng matinding sikip at mabagal na daloy ng mga sasakyan sa Metro Manila.
 
Ayon sa pag-aaral ng isang Japanese institution, higit P2 bilyon ang nasasayang sa ekonomiya ng bansa araw-araw dahil sa matinding trapik.
 
Gusto rin ni Duterte na masolusyunan ang problema sa pagkakaroon ng linya ng koryente ng mga mahihirap na tao.
 
Ayaw niyang umiral pa ang kabit-kabit na linya ng koryente ng mga mahihirap na tao, tapos ang mahal naman ng kanilang ibinabayad buwan-buwan.
 
Idiniin ni Duterte na dapat na magbayad ng tamang buwis, sumunod sa pandaigdigang alituntunin, at sa mga batas ang lahat ng mining companies.
 
Binalaan din niya ang lahat ng opisyal at mga kawani ng pamahalaan na huwag gagawa ng katiwalian at korapsyon.
 
At syempre, muli niyang inulit ang kanyang mga patakaran laban sa iligal na droga.
 
Anang Pangulo, hindi dapat tumigil ang mga atoridad sa pagsugpo sa kanser na ito ng lipunang Pilipino hanggang maubusan ng drug lord, drug dealer, drug pusher, at user.
 
Inilatag din niya ang pagpapalit ng sistemang presidensiyal sa federalismo.
 
Ang bago sa plano n’ya ay huwag purong federalismo dahil hindi rin naman bagay ito sa Pilipinas.
 
Kumbinasyon ng sistemang federalismo at presidensiyal kaparis ng France.
 
Ang punto niya ay malimitahan ang pag-abuso ng kapangyarihan ng Pangulo sa sistemang Presidensiyal at gayon din naman sa sistemang parliyamento.
Inihalimbawa ni Duterte ang France na kumbinasyon ng sistemang presidensiyal at parliyamento kung saan kumbinsido siyang makabubuti at lapat sa kalagayan ng Pilipinas kaysa manatili sa kasalukuyang sistemang purong presidensiyal.

You May Also Like