Duterte malinis?

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan, kasalukuyang nahaharap ang alkalde ng Davao na si Mayor Rodrigo Duterte sa isang malaking pagsubok sa kanyang kandidatura upang maging pangulo ng bansa.

Kamakailan, isiniwalat ni Senador Antonio Trillanes IV ang hinggil sa 211 milyong deposito ni Duterte kasama ng kanyang anak sa Bank of the Philippine Islands (BPI) branch sa Julia Vargas Avenue. Ang nasabing kayamanan ay isa lamang sa marami pang iba at hindi diumano naideklara gaya ng hinihingi ng batas.

Madami sa tagasuporta ni Duterte ang naniniwalang ang issue ay paninira lamang sa naturang alkalde ng Davao na nananatiling nasa itaas ng surveys sa pagkapangulo. Madami ang naniniwala at sumusuporta sa kakayahan ng alkalde lalo sa pagresolba ng krimen, kurapsyon at kahiparan sa bansa. Sa mga pananalita nito kahit sino ay madadala at maniniwala. Subalit ano nga ba ang katutohanan?

Matatandaang isa sa mga nagpasikat kay Duterte ay ang matapang nitong pamamalakad sa Davao. Hindi rin naman maikakaila na ang estilo ni Duterte na paghahasik ng takot ay nagdudulot ng pagsunod sa mga batas na kanyang pinapatupad. Kung titignan maganda naman ang ganitong paraan subalit kahit anong bagay kung sumusobra ay hindi rin maganda.

Isa na rito ang hindi maikakailang pagkakaroon niya ng ugnayan sa grupong Davao Death Squad na kilalang pumapatay ng sinasabing mga kriminal. Inamin na rin naman ni Duterte ang kanyang ugnayan sa grupo subalit magpa-sa-hanggang ngayon hindi pa rin ito nadidiin sa kahit ano pa mang kaso.

May humigit kumulang 1,424 na katao na ang napatay ng DDS mula 1998-2015. Sa bilang na 1,424, 1,367 ang kalalakihan at may 57 naman na kababaihan. Marami sa napatay ay hindi man lamang nakaranas ng patas na paglilinis at hanggang sa ngayon hindi pa rin napapanagot ang mga salarin. Madami din sa mga napatay ay kabataan.

May 132 na kabataan ang napatay na may gulang 17 pababa. Karamihan ay kalalakihan na ang bilang ay 126 at 6 naman na kababihan. Samantalang ang pinakabata ay may edad na 12 na lalaki at 15 taon na babae. Mayrun din natamaan ng ligaw na bala na pumatay sa isang 9 na taong gulang.

Hindi ba ang mga batang nasasangkot sa masamang gawain ay karaniwang dinadala sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ? Ito ay upang maitama ang mga kamalian ng isang bata sa paniniwalang ang isang bata ay wala pa sa hustong gulang upang masabi na ang pagkakamali ay nagawa ng nasa tamang edad at tamang nang pagiisip? Paano kung isa sa mga anak mo na wala pa sa hustong gulang ang mapatay at napagbintangan lamang na nagdodroga? Nakabibigla!

Nakakatakot ngunit isa lang ito sa maaring mangyari kung sakaling manalo at maupo si Duterte sa pagkapangulo.

Sabihin na natin na nararapat lamang ang ganoong estilo ng pagdisiplina dahil na rin sa kawalan ng disiplina sa marami sa ating mga Pilipino. Ang displina nga ba ay tungkol lamang sa pagsunod sa batas? Paano ang pakikiapid? Si Duterte ay kilala na may dalawang asawa at dalawang girlfriend na ang alkalde mismo ang nagpatunay. Hindi ba krimen din naman ang pakikiapid?

Isa sa mga pasabog ng alkalde ang pagtapos sa krimen na magdudulot mismo ng katahimikan. Ngunit habang nasa kaiinitan pa lamang ng kanyang panimulang kampanya, na-kidnap at humihingi na ang Abu Sayyaf ng Php 4 billion ransom money sa kanilang dinukot sa isang Samal resort malapit sa Davao City? Paano pa kaya sa buong bansa?

Matindi din ang panawagan ng ating mga kababayan upang wakasan na ang political dynasty na pinaniniwalaang dahilan ng patuloy na kahirapan dahil na rin sa iisang pamilya lamang ang madalas na nakaupo at nagpapayaman.

Ang akala ng madami tatlo lamang sila ng anak ni Duterte na si Sara at Paolo ang nasa pwesto. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan may anim silang kamag-anak na ngayon ay nasa kapangyarihan. May anak sa batas na konsehal ng Davao, sekretarya sa opisina ng Mayor, pamangkin na Administrative Officer sa Davao City Council, asawa ng pamangkin na opisyal ng Davao City’s Environment and Natural Resources Office at isa pa sa Court of Appeals.

Nananatili pa rin ang katanungan kung malinis ba si Duterte o hindi. Noong isang araw lamang isiniwalat ni Senador Trillanes ang listahan ng ari-arian ni Duterte kabilang na ang mga nakapangalan sa kanyang mga anak na sila Sara, Sebastian at Paolo. May pag-aari rin sa Davao na nasa pangalan ni Cielito Avancena kasalukuyang kinakasama ni Duterte, dalawa sa Dipolog na nakapangalan sa mag-asawang Sebastian Descallar at Jesusima Duterte at marami pang iba. Sa suweldo ng isang alkalde kahit sino ay maaring magduda sa laki ng yaman ng alkalde ng Davao.

Sa mga darating na araw maari pang madagdagan ang pagsisiwalat ni Senador Trillanes. Tutuo man o hindi nasa atin na para mag-isip. Malinis nga ba si Duterte?

You May Also Like