Duterte at Poe, tie sa pinakahuling presidential poll

Parehong nasa unang puwesto sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senadora Grace Poe sa pinakabagong survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) sa kung sino ang mas pipiliin ng mga Pilipino bilang susunod na pangulo.

Lumabas sa survey na isinagawa noong ika-13 ng Abril na mayroong 34% ang pumili kay Poe samantalang hindi malayo si Duterte na mayroong 33% ng voter-reference. Tinawag itong “statistical tie” ng SWS.

Sumunod kay Duterte ang pambato ng Liberal Party na si Mar Roxas na may 16% at si United Nationalist Alliance (UNA) standard bearer Vice President Jejomar Binay na may 15%.
Nanatiling huli sa presidential survey si Senadora Miriam Defensor-Santiago na mayroon lamang 1% ng voter-preference. Ang natitirang 1% naman ay nagsabing hindi pa rin sila desidido kung sino ang kanilang ibobotong president.

Mula sa 1,200 orihinal na survey respondents, 676 lamang o 56% ang nakilahok sa survey: 181 sa Metro Manila, 154 mula sa ibang bahagi ng Luzon, 187 sa Visayas, at 154 sa Mindanao.
Samantala, nangunguna naman sa karera para sa pagka-bise president si Camarines Sur representative Leni Robredo ng Liberal Party at running mate ni Roxas, na nagtamo ng 30% ng voter-preference.

Nakasunod kay Robredo ang dating nangungunang si Senador Bongbong Marcos na mayroong 27%, at si Sen. Chiz Escudero na may 26%. Malayo naman ang agwat ng tatlo pang tumatakbo sa pagkabise na sina Sen. Alan Peter Cayetano, 13%; Sen. Antonio Trillanes, 3%; at Sen. Gringo Honasan, 1%.

Kagaya ng presidential poll, 1,200 din ang itinakdang respondents para survey na ito ngunit 648 o 54% lamang ang sumagot: 183 sa Metro Manila, 149 sa ibang bahagi ng Luzon, 169 sa Visayas, at 147 sa Mindanao. (Carizza Ibañez)

You May Also Like