Due Process

 

 

 KAHANGA-HANGA naman ang beteranong senador na si Franklin Drilon ng Iloilo dahil kahit Linggo siya ay nagtatrabaho.
 
Ang alam natin, sa normal at regular na oras, si Drilon at mga kaparis niyang tradisyunal na pulitiko, ay nagpapahinga kung Linggo, sapagkat kawawa naman ang mga pulitikong ito kung hindi magpapahinga.
 
Ngunit, dahil naisama sa listahan ng mga opisyal ng pamahalaan na ikinanal ni Pangulong Rodrigo R. Duterte sa iligal na droga ang second cousin ni Drilon na si Iloilo City Mayo Jed Mabilog, lumilitaw na hindi nagdalawang isip si Drilon na lumantad at bigyan ng importansiya ang kanyang pinsan.
 
Kumilos si Drilon para sa pinsan kahit si Mabilog ay una nang tahasang tumanggi na sa deskripsiyon sa kanya ni Duterte.
 
Sabi pa ni Drilon, dapat kung mayroong sapat na ebidensiya si Duterte laban sa kanyang inanunsiyo ay nararapat lamang na sampahan niya ng kaukulang kaso sa korte.
 
Sabi ni Drilon, suportado niya ang kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga, ngunit, aniya, hindi dapat padaanin ng Pangulo sa mabilis na ruta ang proseso ng batas.
 
Kahanga-hanga naman ang beteranong mambabatas sa bilis magsalita na kahit Linggo ay hindi nag-atubiling ipagtanggol ang kanyang kamag-anak na ibinunyag ni Pangulong Duterte sa isang karumal-dumal na krimen.
 
Linggong-linggo, nasira na ang araw ni Drilon.
 
Si Duterte ay hindi nasira, o nawalan ng saysay ang oras, sapagkat kahit pasado na ala-1 N.U. ay ipinalabaas niya nang walang takot sa mamamayang Pilipino ang bahagi ng pisngi ng operasyon ng shabu sa Pilipinas.
 
Ngunit, si Drilon ay nagbigay oras para sa kanyang pinsan.
 
Talagang nakadidismaya si Drilon, sapagkat pinag-ukulan niya ng pansin, oras, at panahon ang pinsan niyang kinanal ni Duterte sa droga.
 
Samantalang napakarami na ng Linggo na hindi lumantad  si Drilon upang bigyan ng kahit kaunting oras upang ipagtanggol ang mga manggagawa, magsasaka, guro, maralitang taga-lungsod, pulis, sundalo, at mangingisda mula sa pananamantalang dinananas nila sa iilang mapanamantalang puwersa sa lipunan.
 
Si Drilon na tao ng Liberal Party (LP) nina Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd at Manuel Roxas 2nd ay nagsasalita para sa LP at hindi para sa mga naaaping mamamayang Pilipino.
 
Ang tanong kasi, kailan ba lumabas ng Linggo si Drilon upang magsalita para ipagtanggol ang mga naaapi at iniipit ng administrasyog Duterte?
 
Sa aming pagkakaalam, ngayon lang.
 
Ilang ulit na bang  pinagsamantalahan ang mga manggagawa, security guards, magsasaka, mangingisda, at iba pa tuwing linggo, ngunit lumantad ba si Drilon para sa kanila?
 
Kung ganyan ang sistema ni Drilon, dapat pa la’y apihin nang todo ni Duterte ang mga manggagawa, security guards, guro, sundalo, pulis, magsasaka, at mangingisda upang bigyan ng sapat na atensiyon ni Drilon?
 
Kapag nangyari iyon, si Drilon na ang bayani ng mga pinagsasamantalahan tuwing Linggo kung saan ididiin niya ang due process.

You May Also Like