DSWD, idinadaan sa pera ang paglilingkod sa senior citizen

 

 

Ni: Marites Badilla

HALOS P9 na milyon ang badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa 1.3 milyong senior citizens na pensiyonado ng nasabing kagawaran para sa ngayong taon.

Ngunit, ayon kay Secretary Judy Taguiwalo, higit P5 milyon pa lamang ang nailalabas na cash stipends para sa 1.3 milyong senior citizens mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.

Ang pamamahagi ng P500 kada buwan sa mga matatanda ay isa sa mga pangunahing programa ng DSWD.

Ang P500 stipend ay bahagi ng Social Pension Program (SPP) ng DSWD, alinsunod sa Republic Act No. 9994, o mas kilala sa tawag na Expanded Senior Citizens Act of 2010.

Sabi ni Taguiwalo, bukod sa pagiging 60-anyos pataas, kailangang may sakit, o mahina, o may kapansanan ang senior citizen at hindi tumatanggap ng pension mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), o Veterans Pension na hindi rin nakatatanggap ng tulong pinansiyal mula sa mga kamag-anak ang tanging  kuwalipikado sa SPP.

Idiniin ni Taguiwalo na “Ang mga nakatatanda sa ating panahon ang isa sa mga pinaka-bulnerableng sektor sa lipunan. Dumadami ang bilang ng napababayaan at nangangailangang magsikap mag-isa upang mabuhay kahit na ang ilan sa kanila ay nasa dapithapon na ng kanilang buhay.”

“Hinihikayat ko po ang ating mga senior citizen  at ang kanilang mga anak na nag-aassist sa kanila na dumulog sa aming tanggapan at ilapit ang kanilang mga pangangailangan. Tulungan niyo po kami na kayo ay maabot,” dagdag pa ng Kalihim.

You May Also Like